Pasalubungan nang Masigabong Pag-asa ‘t Pagbabago


Pito sa mga kapatid ko ay nag-a-abroad. Hindi kami mayaman kaya hindi nakakapagtaka na maisipan nilang sumubok mangibang bansa. May umalis para roon na bumuo ng pamilya at may naglalakas-loob na iwan ang regular na trabaho para sa mas mataas na sahod. Kung ang buhay ay parang teatro, ituring na nga nating mga actor ang mga OFWs.  Sa mga kapatid ko pa nga lang kanya-kanya na sila ng back story, character build up at struggles sa buhay.

Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon.

Sa puntong nasa labas na sila ng ‘Pinas, ang pinakamahihiling mo na lang siguro ay pagpapalain at patnubayan sila ng Dios.  Alam naman natin na kapag nandoon ka na, simula na ng kanilang laban sa buhay. Walang lifeline gaya ng call- a-friend o 50-50 (Who Wants to Be A Millionaire). O nga pala, may dalawa akong kapatid na literal na ang background sound effects ay mga bomba sa tuwing ka-chat namin noon.

Ang napagtatanto ko lang ay unti-unting pinagbabago ng kanilang mga karanasan sa ibang bansa ang aking mga kapatid. Ang dating mainitin ang ulo ay tila nagiging pasensyoso. Ang dating bulagsak sa pera ay naiisip nang magtabi ng kanyang kinikita. Ang dating mahiyain ay marunong nang ipaglaban ang kanyang karapatan.  Sa tuwing may dumarating, parang ‘yong kapatid ko ay may pinagbago. Hindi sa itsura, kundi nasa pagkatao n’ya.Incheon Airport

Saan Darating Ang Umaga.  

Noon naisip ko na karamihan ng mga umaasenso sa buhay ay iyong mga nangingibang bansa.

Dali-daling mag-isip pero ang hirap-hirap gawin, parang ang maniwala na may pag-asa.”

Naalala ko iyong plano ng isa kong kapatid, pupunta siya sa isang bansa para pagkatapos ay makalipat siya sa isa pang bansa.  Iyong isa naman, nangibang bansa para makapagpundar sa probinsya.  Pero iisa naman  sila ng layunin at ito ay sana matupad ang kanilang pag-asa para rin sa kanilang pamilya.hoshilandia in boracay 2

Gaano Kadalas ang Minsan.

Kung gaano kabilis ang takbo ng panahon, ganoon na rin siguro kahaba ang panahon na nasasayang o kaya ay kaikli ng bawat bakasyon. Mabuti mas marami na ang mapagpipiliang daan para sa komunikasyon. Pero may aangal ba kung sabihin kong iba pa rin ang pakikipag-usap ng personal?

Patalastas

Ang makita, mayakap, at mahagkan ang mga mahal mo sa buhay, kahit isang buwan lang o dalawang linggo bago ulit ang susunod pagkatapos ng dalawang taon.”

Ewan kung bakit ‘pag ako lang kinakaya ko, pero ‘pag nakita ko na ang mga pamangkin ko na nangingilid pa lang ang luha parang may kumakandirit sa puso ko.Boracay Crystal Cove underground cave

Tinimbang Ka Ngunit Kulang.

Pera-pera lang nga ba ang lahat? Bakit wala ba nito sa ‘Pinas? At bakit kapag kumita ka na nito, parang madaling malustay kaysa ipuhunan ng tama. Akala mo kasya na, hindi pa pala. Ilan sa mga kapatid ko ang nangarap na magtayo ng negosyo o magkaroon ng investment.

Kung marami ka pang pera, siguro hindi mo iindahin ang ilang perang mawawala sa iyo. Ang masaklap lang ay mararamdaman mong palugi ka na kung kailan kailangan mo na ng pera.  Pero kung ako ang tatanungin, mabuti na ang sumusubok kaysa wala. Kapag naiisip nila ang magnegosyo, nagkakaroon ng ibang ningning ang kanilang pananaw sa buhay. Iniisip nila na manatili sa bansa, tumulong sa kanilang kapwa at maniwala sa kanilang kakayahan.  Masaklap kapag nauuwi sa wala pero gaya rin naman siguro ‘yan ng pamumuhunan nila sa pagtatrabaho sa ibang bansa, sugal

Incheon Airport 3

Anak.

Naniniwala ako na karamihan sa mga OFWs ang umuwi ng ‘Pinas. Hindi ito iba kundi parang Nanay na bukas-palad sa sinumang nais bumalik at ano man ang pasalubong. Kung ang mga kapatid ko ay kakatawang representante ng mga Pinoy, ikinakarangal ko na hindi sila natakot na sumubok na gawin ang sa tingin nila ay daan para sa katuparan sa kanilang mga pangarap.

“Sana sa bawat sigarilyo hinihitit mo, sa bawat alak na iniinom mo, naisip mo kung ilan pagkain ang tiniis kong hindi kainin para lang may ipadala sa inyo.”  Opps hindi ko linya ‘yan, kay Ate Vi ‘yan.

“Ipokrita ako kung sasabihin ko na hindi ako sabik sa pasalubong o tsokolate. Pero ang gusto ko sana sa bawat uwi ng mga kapatid ko, ng bawat OFWs, ‘yong pag-asa nila ay unti-unting nagkakaroon ng mukha, nasesemento o naitatayo. Hindi na lang drawing at hindi na lista sa tubig.

“Kung alam mo ang taong malapit sa puso mo ay ligtas, malusog, nangangarap, at masaya sa kanyang ginagawa malapit sa piling mo. Ikaw na rin natutuwa, napapanatag, at gumaganda ang pananaw mo sa buhay. Hawa-hawa lang ‘yan e.”

ito ay aking lahok sa PEBA 2011 at nanalo ng ika-4 na parangal

hitokirihoshi is top 4 home based blogger of the year



About Hitokirihoshi

Slasher Star: passionate Content Creator, grade 1 Digital Marketer, on-the-go Filipina, progressive Technopreneur, frugal Traveler, nurtured Cinephile, Music lover, abstract Crafter, Digital Nomad, Millennial Baby, Multipotentialite, and Yuccie?

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

20 thoughts on “Pasalubungan nang Masigabong Pag-asa ‘t Pagbabago