Kamakailan lang ay nabasa ko ang pakiusap ni Bangko Sentral Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno tungkol sa pagbabangko o pag-iimpok ng pera sa bangko. May kinalaman sa pag-iipon ng barya at perang papel sa alkansya (o anumang lalagyan) sa bahay, na nakakaapekto sa gastos ng gobyerno at financial inclusion ng maraming Pinoy. May mga panukala at batas na rin na nagbabawal sa hoarding o pag-iimbak ng pera. Ibig bang sabihin nito ay bawal mag-ipon ng barya?
Bakit napapagastos ang gobyerno kapag sobra mag-ipon ng barya?
Ang simpleng paliwanag dito ay kapag naiimbak (hoarded) ang mga barya (o kahit perang papel) sa bahay, ay hindi rin ito umiikot sa merkado. Dahil dito ay nagkakaroon ng kakulangan ng literal na perang pamalit o magagamit sa mga transaksyon gaya ng panukli sa mga establisyimento, supermarket, mall, bangko at iba pa. Kung kulang na ang supply (a.k.a. shortage) ay napipilitan ang BSP na punan ito. Ibig sabihin, muling paggasta para makagawa ng barya at perang papel.
“The BSP could mint fewer coins if they are efficiently circulating. The reduced production costs would allow the central bank to remit more dividends to the national government, which would help fund pandemic-response measures and social services,” pahayag ni BSP Gov. Diokno.
Sa mga huling balita tungkol sa “anti coin hoarding” ay isinusulong na paigtingin ang kampanya laban dito. Bukod sa coin recirculation program ng BSP ay ilang panukalang batas na rin ang dininig sa mataas at mababang kapulungan (Senate and Congress). Ilan dito ang Senate Bill No. 2452 ni Dating Senator Serge Osmeña III na laban sa bulto-bultong pagtatago ng pera. Hindi rito kasama ang mga nag-iipon lamang ng barya sa alkansya. Mayroon din Senate Bill No. 3171 or “An act defining the Crime of Coin Hoarding and Providing Penalties Therefore” ni Dating Senator Manuel “Lito” Lapid. Nakasaad naman dito na ang mapapatunayan nagho-hoard nang malakihang halaga o bilang ng barya ay papatawan ng PHP 100,000 sa kada 1,000 pirasong baryang inimbak at ikukulong ng isang taon.
Mayroon nga bang nag-iimbak ng limpak-limpak na barya?
Kung sa halaga ng gastos, mas malaki ang presyo ng pagkakagawa ng mga barya kaysa mismong halaga ng mga ito. Tumataas din kasi ang presyo ng ng materyales para ma-produce ang mga ito gaya ng aluminum, brass, copper, nickel o steel. May ilang nagho-hoard para ibenta ang mga barya dahil sa mga elementong ito.
Pero bilang paglilinaw, ang mga nag-iimbak ng bulto-bultong barya ang bawal, at hindi mag-ipon ng barya lamang para sa personal savings. Subalit, kung babalikan din natin ang problema sa expense ng BSP ay mas pabor sa kanila ang pagbabangko at kaysa mag-ipon ng barya sa bahay. Iyon lang, ‘pag nagbangko ka naman ay madalas ay may maintaining balance, maraming hihinging requirements, at iba pang bagay.
Usapang pagpapahalaga ng paggamit ng barya
May napakinggan akong financial coach (si Chinkee Tan ata) na nagsabi na nagma-manifest din sa money management—includes savings, investing, and wealth creation—kung ano tingin, tratuhin at gamitin ng isang tao ang pera.
Maraming ayaw o nahihiyang gumamit ng baryang sentimo. Isa na roon ay binibilhan ko ng sampaguita na ayaw tumanggap ng 25 cents. Naiintindihan ko s’ya dahil parang nakakahiya sa marami ang ganung pambayad din. Pero sa totoo lang tumatanggap at pangangailangan pa nga ito sa mga gaya malls at bangko.
Naalala ko tuwang- tuwa yung teller sa bangko ng nagbayad talaga ako ng singko at diyes. At ini-encourage n’ya ako na magpatuloy sa ganun at wag mahihiyang i-deposit kung may ipon ako.
Samantala, dahil nakikita ko nga binabalewala ng iba ang mga sentimong dies, singko, beinte singko ay iniipon / hinhingi ko. Nilalagay ibinibigay ko sa mga non-government organizations (NGOs) at foundations o kahit doon sa mga donation box sa mall.
May ilang parang ayaw sa sukling barya? Isa sa paraan ko para makapag-ipon ng pera ay sa pamamagitan ng pagtatabi una ng sukli, barya o perang papel man. Taliwas ito sa ugali ng karamihan na uubusin laman ng wallet up to the last cents sa paggastos. Ako pag may tira, ilalagay ko sa garapon. Isa ito sa mga money saving tricks ko kaya kahit papaano may petty cash ako sa mga biglaan at simpleng gastusan. Kaya kung gusto kong mag-ice cream one afternoon, pamasahe sa biglaang lakad, o wala na rin laman ang wallet ko ay may barya pa ako sa garapon. Bale may garapon ako depende sa halaga ng barya at kung ano pang-donate.
Naaalala ko nung sinugod namin ang pamangkin ko sa hospital dahil sa aksidente. Nabitbit ko talaga yung buong garapon hanggang hospital. May mga perang papel man at that time yung plastic garapon ko hehehe. Naging emergency fund ko na rin pala yon.
Yung isa pang pagkakataon ay nung may job interview ang ate ko at wala s’yang pamasahe. Sabi ko sa kanya, kumuha s’ya sa garapon. Hayun, hindi lang pamasahe nakuha n’ya, pang 1-2 araw na job hunting expenses. Nakakatawa pero relieving na may may mahuhugot ka sa mga biglaan pangyayari.
Pero sa formal economy, may bentahe rin na sa bangko mag-ipon ng barya o pera. Bukod ito sa nabanggit sa itaas, dito papasok ang usapin din ng financial inclusion. Ang siste lang ay dapat ring magkaroon ng kamalayan sa pangbabangko at sana ay matugunan ang isyu na may kinalaman dito.
Kung ano-ano ang mga ito, abangan na lang sa susunod na post.