For 10 executive days ay naranasan ko ulit ang maging commuter at during rush hour papuntang Eastwood, Quezon City. That’s the first in my 4 years mula ng nag-freelancing at home-based ako. So sa ngalan ng bawat pores ko na na-stress at namawis sa pagko-commute, mabuhay sa bawat Pilipinong mananakay! Apir din sa mga motorista, patas pa rin ang buhay dahil salo-salo tayo sa bawat pag-usad ng traffic. Iyan ay kahit ano pa ang gara o bulok ng sasakyan natin 🙂 hohoho!
Pay for time and convenience in commuting?
May 2 paraan ako para makarating ng Libis, Eastwood mula sa pinakatatangi kong Commonwealth Ave.
- Jeep papuntang Aurora Blvd. at mula roon saka sasakay jeep ulit papapuntang libis. = Php 28 all.
- Jeep + Van = Php 55
Layo ng presyo no? Pero yung choice B mahal man ay mas malapit ang tinatahak na daan at halos ibaba ako sa tapat ng building namin. Minsan mahaba rin ang pila at tyagaan ang paghihintay doon.
Sa choice A ay puwede naman mabilis, kung maaga ako aalis ngbahay. As in kung pasok ko ay 9am baka dapat before 6am dapat ay nakasakay na ako. Kung maabutan na kasi ng rush hour definitely late na lalo ngayon na may ginagawang linya ng MRT mula Del Monte Bulacan- Fairview- Commonwealth. Nitong Nov. 21 nga ay halos maabot ko na ang Camp Crame (kung tama ako) mula sa paglalakad mula Aurora Blvd para lang makasakay ng jeep papuntang Libis. Hindi lang ako naglakad ng malayo ha, naghintay pa ako nang matagal at nakisiksik sa Jeep na actually hindi ako sure kung pupunta ba talaga ng Eastwood. Hehehe pero tumama ako ateh at koyah. yahoo! Kinabukasan walang dalawang isip ako na nag-van na kahit doble gastos.
Isa sa natutuhan ko sa buhay especially sa freelancing at business ay mas malaki ang halaga ng oras kaysa pera. Ang pera ay maibabayad ko para kumita pa ng pera, habang ang oras ay bagay na maipagpapalit ko para kumita pero hindi ko na mababawi kapag nawala na. Kaya kung magha-hassle din naman ako dapat sulit sa time at energy, hindi lamang sa pera. Kaya nga rin dapat iniiwasan ang beating the deadline hanggat maaari. May karapatan na magalit ang amo kung binigyan ka ng sapat na time tapos hindi mo natapos? Mabuti ng magalit sila sa bagay na hindi mo alam kaysa roon sa aspeto na nagkukulang ka parati. #Professionalism
Sa perspective naman ng mga sellers/businessmen, ang mga ito ang provider of the solutions kaya mahalaga din ang timing na makapag-offer ng convenience. So ibig sabihin n’yan kahit ma-hassle queber! Nandoon ang kita.
Magbabakasakali ka ba sa ibang daan o magtitiyaga ka sa nakasanayang mong ruta?
Sa Ortigas Complex, mas maraming acrobatic ways ako para makarating at makauwi. Sa bagay mas marami naman ata talagang malulusutan sa business district na ito.
- Tyagain ang ruta ng bus sa EDSA mula far view hanggang Mandaluyong
- Lumusot mula Katipunan (Ateneo)- Eastwood – White Plains Subdivision – tagos sa likuran ng Meralco Building
- Lumusot galing sa Valencia QC – San Juan, Greenhills – tawid Robinson’s Galleria
Kung pauwi naman at talagang alam kong punuan na ang mga bus papuntang Fairview, sasakay ako ng train or bus na pa –Monumento at baba ako ng Cubao Farmers. Tatawid ako sa kabila para makasakay ng jeep mula sa Arayat na tinatahak ay GMA Kamuning – East Ave, hanggang Fairview/Lagro.
May isa pa sa Cubao na papuntang Fairview yun naman ang nagdadaan sa harapan ng Ali Mall. Ang ruta naman noon ay via Kalayaan Avenue. Kapag nagkataon need doon ako, baba ako ng Main Ave. (Puregold) sasakay ako ng trike at papahatid ako sa Ali Mall saka ako sasakay pa- Fairview. Iyan ay kung worst case scenario na like kung may bagyo o baha
Noong nasa Ortigas ako ay full time office-based ako kaya isa ako sa mga taong nakatanga sa gitna ng bumper to bumper ng traffic at nagwa-wonder sa happenings sa kabilang side? Natanong ko na ang “hanggang kailan ba na ganito ang routine ko sa pagpasok araw-araw?” Mabuti pa sila sa kabilang bus, jeep, taxi, o kotse presentableng nakaupo sa maluwag na sasakyan, sa light traffic, samantalang ako ay nakatayo, nag-aabang kung kailan makakaupo, at higit sa lahat kailan makakababa sa amin. Kaya naghahanap talaga ako ng alternative mode of transportation and route palagi.
Kung iisipin ay puwedeng ipalagay sa kabilang side ay yung mga taong kakaiba ang way of life. Sila iyong mga call center agents, freelancers, small-time entrepreneurs o mga self-employed. Maybe some of them are up when you’re asleep or they earn less. Pero yun nga, wala rin sila sa lane mo, sa lane na kung puwede rin iwan anytime ay gagawin mo. kaso ito lang iyong paraan mo sa ngayon para maghanap-buhay. Ang tanong hanggang kailan? Wala ka bang gagawin na iba?
Share ko lang din na noong una ay naapektuhan ako sa mga taong kapag tinanong ako at sagutin ko homebased o freelancer ay parang nega ang iniisip. Ngayon, deadma na as in level na wala na talaga akong maramdaman na malalim para intindihin sila (may level din kasi na iniintindi mo nab aka sanay sila sa ganito-ganyan.)
Ang na-realize ko rin kasi ang pag-abot ng pangarap ay hindi pagpili ng kung ano lang din ang available na choice. Na kapag hindi A at B, ay C na lang. May D pa or none of the above kasi ang totoo puwedeng ikaw naman talaga ang makaka-discover kung ano ang innovative o mas magandang choice na personalize sa trip mo. Karamihan ng best choice pa nga ay unpopular or unknown pa sa nakasanayan.
Do you wait for your chance or chase your opportunities?
Ang huling full time office based work ko ay sa Ayala, Makati. I spent roughly extra 6-7 hours just for transportation. Nasubukan ko na kumiskis na sa salamin ng pinto at bintana ang mukha ko dahil sa siksikan sa MRT. Mag-agahan/ tanghalian/ hapunan at bumawi ng tulog sa bus. Ang maglakad sa parang walang katapusang overpass mula Paseo de Roxas na ang baba ko na ay Ayala EDSA MRT hindi para mag-train , kundi mag-bus. Pero ngayon ata ay may available na point to point bus papunta roon so hanapin na pinakamalapit na suking bus terminal mo hehehe. Ang alam ko mayroon sa SM North at Fairview.
Pero alam mo ever since college ako ay di ko natitiis na mag-aantay lang ng sasakyan. Naiisip ko palagi ay ano ang opportinidad na makakasakay ako kung halos lahat ng dumaraan na bus at jeep ay punuan na at ang dami pang nag-aabang na pasahero? Kahit pa may dumating na bakante kahit 1 o 2 na lang ay marami ka pa ring kaagaw kaya less pa rin ang chance na makasakay. Kaya mas gusto ko na maglakad sa pinanggagalingan ng mga sasakyan para ako ang unang sumalubong sa bakanteng sasakyan . Kapag ganoon din kasi makakasakay ako, makakaupo, at makakaupo sa maganda-gandang puwesto.
Ganoon din sa buhay dumarating ang magandang oportunidad kung kusa mo itong hinanap. Hindi ka makakahanap ng clients sa business mo kung hindi ka nagma-marketing. Balewala naman ang marketing mo, kung hindi mo alam kung saan at paano gawin. Ganyan din sa freelancing, hindi employers ang lalapit sa iyo, kundi ikaw.
Alam mo isa sa factor kung bakit hindi lang ako nagresign doon sa company sa Makati, kundi mag-freelance/ homebased ay dahil sa minsan naisip ko na ayokong tumandang wala akong sinubukan. Oo hindi ko alam kung magtatagumpay ako at tama ang ginagawa ko, basta sigurado ako na
gusto kong mag-retire bilang negosyante at na-enjoy ko buhay ko. Ayokong maupos ang kabataan ko sa “what if. “ Ayoko rin dumating yung point na hindi ako makaalis sa trabaho o kompanya kasi matanda na ako (baka wala ng tumanggap sa akin) at wala akong alam na ibang gawin. Iyong extra 6-7 hours ko just going and back forth sa trabaho ay magagamit ko para mapursige ang pagnenegosyo at iba ko pang Gawain gaya ng blogging.