Sa paglakas ng internet at social media ay dapat mas mapabilis, mapadali, at mapainam ang pagsagap natin ng balita, ‘di ba? Ang masaklap ay hindi sa lahat ng pagkakataon dahil laganap na rin ang ‘di totoong balita o fake news. Paano nga ba natin masusuri kung ang isang ulat ay gawa-gawa lamang? Bakit dapat din salain ang mga ulat na nakukuha natin? Narito ang aking mga suhestyon:
- Alamin paano nakuha ang balita. Nakakita ka na ba ng artikulo na maraming “hyperlinks” o kawing patungo sa ibang website? Paano naman iyong wala ni kahit isa? May dahilan bakit mahalaga ang paglalagay ng tamang kawing, at isa na rito ang tungkol sa Search Engine Optimization (SEO). Iba naman ang punto ng paglalagay ng kawing sa pagsusulat ng balita o newswriting. Ang link(s) ay pagsasaad kung saan o sino ang pinagkunan ng impormasyon. Maaari rin na kung ano ang sinundan o karugtong ng istorya.
Madalas sa isang fake news ay binubuo ito ng mga napagtagpi-tagping istorya.
- Nagpakilala ang manunulat o naglathala. Kapag ang isang artikulo sa internet ay walang link (o kahit mayroon pa) ay mainam kung may “byline” o iyong pangalan noong sumulat. Ang responsableng reporter/ impormante ay ikakarangal na ilagay ang kanyang pangalan sa kanyang ulat at mailalahad kung paano n’ya nakuha ang impormasyon. Kung mapapansin din ay maraming websites na (especially kung lifestyle o business writer o columnist) ang may maikling profile ng manunulat bago o pagkatapos ng artikulo.
Samantala, magkaiba din kung ang manunulat/ reporter mismo ang may panayam (interview), nasa pinangyarihan, at nakakuha ng iba pang mahahalagang impormasyon kaysa nakibalita lang. Nagbabago rin ang dating nito lalo na kung sasamahan na ng sariling interpretasyon. Magkaiba din po kasi ang nagbabalita lamang sa nagbibigay na ng kanyang opinyon sa kanyang pinapaboran o hindi.
May tinatawag na kolumnista, debate, at talakayan na kung saan ang mga personalidad sa media ay nagbibigay ng kuro o sagot sa isyu na kanilang nalaman.
- Wala iyan kung sikat ang paksa (trending topic), kundi kung napatunayang totoo ito. Ang media o sinumang responsableng impormante kapag nagkamali sa balita ay masasabihang “nakuryente” o nakakuha ng maling impormasyon. Kapag napatunayan ay kailangang humingi ng paumanhin o “erratum” para maitama ang mali. Paano nalalaman ang pagkakamali? Mayroong pinagdadaanan ang mga istorya bago maiere o mailathala, gaya na lamang ng pagsusuri ng mga editors. Ngayon, paano naman masasabing nasuri ang video o artikulong nabasa mo lamang sa Facebook, Twitter o anumang social media?
Tandaan na hindi mahalaga kung ilan beses naibahagi (share o retweet) o nakailang “likes” o komento ang isang artikulo. Sa bandang huli ay ano ang mensahe, sino ang paksa, paano napatunayan na totoo ito, at mapagkakatiwalan ba ang nagbahagi?
- Naiulat ng mapagkakatiwalang kompanya ng media o website. Ang pagpapalaganap ng balita ay hindi labanan ng popularidad at paboran mo agad ang paksa sa istorya. Ito ay upang magkaroon ng kamalayan at mag-analisa kung ano ang dating nito sa iyo bilang mamamayan.
Kung naniniwala ka na may “bias report” o may kinikilingan ang isang media company ay bakit hindi ka lumipat ng station o babasahin? Para din iyang pagkuha ng ikalawang opinyon sa iba pang doktor kung hindi ka nakontento sa una mong nilapitan. Ang importante ay lehitimo at mapagkakatiwalaan ang nilapitan mo, at hindi iyong nagmamarunong lamang.
Sa totoo lang po ay napakadaling gumawa na website o social media account na may salitang “news” o “balita” sa url. Ano po kaya ang magpanggap na otoridad at naglalathala ng hinabing istorya? Ilan sa salik na magandang tingnan ay kung lehitimo o verified accounts ang isang website o social media account.
Titulo pa lang ay punong-puno ng emosyon ng paninira o papuri. Palagi akong nanood ng mga video sa Youtube ng mga gusto kong artista. “Click bait” o takaw-pansin para pindutin ko ang mga video na may pamagat na mainam na pagsasalarawan. Nadadala ako at nalalaman ko rin kapag kapwa ko fan o mula sa ibang fandom lalo na kung ang titulo ay mukha ng komento. Minsan malalaman mo na rin kung nakikisakay lang ang gumawa ng isang video para makakuha ng maraming views o manonood. “Consistency is the key. “
Kung usapin ng paraan ng pagbabalita ay hindi dapat parang komento ang titulo at katawan nito. Katunayan halos sa pamagat pa lamang ay malalaman mo na kung ito ay fake news dahil ang pagsulat ng headline news ay dapat…
- Hanggang maaari ay maiksi pero nandoon ang punto (halos pinaiksing buod)
- Walang gaanong pang-uri (adjective), bagkus ay pangngalan ( noun) at pandiwa (verb) na nasa aktibo nitong dating (active voice)
- Kukunin ang atensyon mo sa pamagat, pero hahayaan kang mag-isip habang binabasa mo ang buong artikulo.
Halimbawa:
Fake news style: Miss Hibang kinabog at pinakain ng alikabok ang epal na si Miss Hoshi sa kanyang bonggang pagrampa sa Miss U
Straight News Style: Binibining Hoshi nagwagi sa Miss U
Blogging Style: 3 Dahilan Bakit natalo ni Miss Hoshi si Miss Hibang sa Miss U
Klaruhin kung gaano kabalanse ang istorya. Na-interview ba ang bawat panig? Ano ba ang daloy ng kwento? Sa akin talaga ay mas paniniwalaan ko ang balita na may nakapanayam o galing sa opisyal na pahayag. Kung ayaw pa magpa-interview ng paksa o wala pang nilalabas na opisyal na pahayag, dapat ay magbigay muna ng impormasyon base sa inisyal na mga ulat at pagsasaliksik. Siyempre, kahit maiksi at ‘di pa kompleto ang mga detalye ay dapat doon lang sa totoong sinabi at nangyari.
Sa ibang banda, kailangan din natin na malaman na may iba’t ibang klase ng ulat at media. May nagtatampok (feature), nagdodokumentaryo (documentary/ investigative), diretsong ulat (straight/ hard news), gumagawa ng publisidad, at iba pa. Sa hard news ay ang pinakamadaling halimbawa ay mga programang 24 Oras at TV Patrol.
Maging mapanuri sa intensyon ng balita (kuno). Ayon sa nabasa ko sa “Ang Bagong Pamahayagan sa Filipino” (Binagong Edisyon) nina Narciso Matienzo at Rosalina C. Matienzo ay mayroon din daw na tinatawag na “false news” o balitang ‘di totoo sa media. Kadalasan ay lumalabas umano ito sa mga tabloid na ang intensyon ay kilitiin ang imahinasyon ng mambabasa.
Ano naman ang intensyon ng fake news sa internet? Kung babalikan ko ang mga nabanggit sa itaas, sa kabuuan ang fake news ay
- Istorya na nakakapukaw ng atensyon (#5 punto),
- may kasinungalingan (# 3 ) at walang batayan (#1 ) pero ipinapalabas na totoo
- na mga taong nagpapanggap ( # 2) at walang kredibilidad (#4)
- para makapanlinlang ng mga tao para sa kanilang pansariling kapakanan.
Ang gabay na ito ay base sa aking mga natutuhan at opinyon.
Mabuhay sa iyong media and information literacy!
HIndi dapat agad paniwalaan ang nakikita mas maiging kumpermahin muna
Tama ka dyan John Kenneth
wag masyadong mag papaniwala sa nakikita sa internet mag research muna or mag hanap pa ng ibang pahayag tungkol sa nakitang artikulo sa internet.
Tama ka dyan Maxene!