Ayon kay Leon Megginson ,“It is not the strongest of the species that survives, nor the most intelligent that survives. It is the one that is most adaptable to change.” Applicable ba ito sa mga mamamahayag, peryodista, writers, editors, cartoonists, photographers, publishers, businessmen at iba pa kung mawawala na ang mga mga peryodiko, pahayagan o dyaryo?
Note: ang artikulo na ito ay karugtong ng artikulong May Nagbabasa pa ba ng Newspaper?
Career. Sa aking kuro ay ang mga mamamahayag, writer, photographers, cartoonists, at iba pang print media practitioners ay mailalagay mo naman sa kahit anong media. Channel at teknolohiya lamang ang nag-iiba, hindi ang pasyon at propesyon. Kaya ang lubhang mahihirapan kung saka-sakali ay yung hindi marunong o ayaw makibagay.
May kakilala ako na isang seasoned writer na nagtitipa pa rin sa makinilya o magmakinilya (tunog mantikilya) ng kanyang mga artikulo. Nanatili siyang may trabaho at ini-encode sa computer na lamang ang kanyang mga ipinapasa. Iyan ay dahil sa kanyang magandang reputasyon, koneksyon, at kabaitan.
Saludo rin ako actually sa mga peryodista at mamamahayag hindi lang sa dyaryo, kundi maging sa radyo at telebisyon. Alam mo bang marami sa kanila ang mababa ang kita at hindi regular na empleyado? Wala pa d’yan yung isinasabak sila sa mapapanganib na lugar at sitwasyon. Ganoon din ay wala o sakto lang kanilang benefits. Kaya hindi ko na pinangarap maging news reporter, tanghali pa naman ako magising hehehe.
Business. Tandaan din na ang newspapering ay hindi lang tungkol sa karera, kundi isang industriya. Kung mawawala ang maraming kompanya dahil lagpak na ang industriyang ng mga ito ay ibig sabihin nito ay massive unemployment (matagal man o mabilis), at low to zero business. Hindi lang naman mismong publishing companies ang nakataya rito, kundi maging ang kaugnay na negosyo nito. Ilan sa naiisip ko ay iyong nasa imprentahan o newspaper printing company, newsboys (mayroon pa ba?), may newsstand sa bangketa/ supermarket, at nagbabalot ng tinapa (charrot).
Sa ibang bansa pa ay isang klase ng marketing at advertising strategy ay paglathala ng pahayagan. Nalilibre ang paglalathala at distribusyon ng newspaper, ito man ay provincial o community, kasi sagot na mismo ng commercial company. May businessmen din na binibili ng marami ang dyaryo/ magazine kapag na-feature sila, you know, dagdag bango sa pangalan at business nila.
Media. Naabutan ko ang pag-twilight ng cassette tape at dawn ng CD and digital music, ng VHS tape at ng VCD/ DVD/ Digital, at ngayon naman from print to digital newspaper.
Kung tama ako, hindi uso o napakaunti ng pirated music at movies noon. Sa pagpasok ng new/digital media na siyang pumapatay sa print, ang masasabing version ng pirated rito ay pagkalat ng fake news. Ito ay dahil kahit sino ay puwedeng mag-ala journalist sa internet at mag-imbento ng istorya.
This is why I commend those who are not journalists, but share true and relevant information sa iba. May bloggers na nakakatulong to disseminate real news, information, and entertainment. I believe ibang klase na ang tawag sa career ng mga taong nagba-blog o nagpo-post ng ang fake news. Kasama na rin dito ang mga trolls.
Tingin mo ba ay kung sinu-sino lang ang makakapasok sa isang newspaper publishing company? Tingin mo rin ba ay ang binabasa mong artikulo sa peryodiko ay hindi dumaan sa isang proofreader, copy editor, at editor-in-chief?
Bakit di ka na nagbabasa ng dyaryo?
Ano nga ba ang dahilan ba’t ayaw mong magbasa ng balita sa dyaryo? Puwedeng hindi mo trip o kaya hindi naman kasi ito libre. Pero kung sumasakay ka sa tren ay posibleng alam mo na may dyaryong “Libre”? And take note laging ubos ‘yon at naalala ko laging pinag-uusapan ang ka-aliw na horoscope rito.
Tulad ng nabanggit ko sa itaas ay libre rin sa ibang bansa ang mga dyaryo dahil sa ads. Pero hindi lang naman ito epektibo kasi libre, kundi dahil talagang may purpose ang dyaryo sa pagpapangalat ng patalastas (kasama ang public announcements), pagpapalitan ng mensahe at opinyon ng mga tao, at mga klase ng artikulo na swak sa komunidad.
Siempre puwede naman magkaroon ng online version ang mga community, provincial, at national newspaper. Pero ako mismo ay hindi ako mag-i-internet para magbasa ng news about sa city at baranggay ko. Magba-blog ako, magso-social media, maglalaro, manonood sa youtube, at iba pa. Sobrang ang daming aagaw ng atensyon ko. Pero ibigay mo sa akin ang dyaryo habang naghihintay ako sa pila, kalsada, bus, bangketa, bangko, café, at iba pang lugar ay gagawin ko.
Ganito ang news consumption ko at malamang ng iba pang millennial, yuppies, zillenial, students, mga nasa probinsya, at abalang tao.
Naaabot at napupukaw din ng newspapers ang mga nasa probinsya, maliliit na communities, at mga lugar na hindi pa masyadong sikat ang internet. I believe marami pa rin Filipino communities sa ibang bansa ang tumatangkilik sa mga iniimprentang newspaper. Ganoon din sa ibang lahi nasa loob at labas ng bansa. Nakabasa na ako ng newspaper na dedicated for Chinese community, Filipino businessmen, at isang village sa Metro Manila.
Matagal nang may kalaban ang newspaper at iyan ay radyo at telebisyon. Hindi nga ba ay nauso ang transistor. Mayroon ding telebisyon at radyo sa mobile phone, ‘di ba? Pero ang malaking treat na dumagdag ay digital media dahil portable din ang smartphone, tablet, at laptop.