7 Gabay Paano Malaman at Hindi Maging Biktima ng Fake News sa Internet


Sa paglakas ng internet at social media ay dapat mas mapabilis, mapadali, at mapainam ang pagsagap natin ng balita, ‘di ba? Ang masaklap ay hindi sa lahat ng pagkakataon dahil laganap na rin ang ‘di totoong balita o fake news. Paano nga ba natin masusuri ang isang ulat ay gawa-gawa lamang? Bakit dapat din salain ang mga ulat na nakukuha natin? Narito ang aking mga suhestyon:

  • Alamin paano nakuha ang balita.  Nakakita ka na ba ng artikulo na maraming “hyperlinks” o kawing patungo sa ibang website? Paano naman iyong wala ni kahit isa? May dahilan bakit mahalaga ang paglalagay ng tamang kawing isa na rito ang tungkol sa Search Engine Optimization (SEO). Iba naman ang punto ng paglalagay ng kawing sa pagsusulat ng balita o newswriting. Ang link(s) ay pagsasaad kung saan o sino ang pinagkunan ng impormasyon. Maaari rin na kung ano ang sinundan o karugtong ng istorya.

    si FDCP chairman Liza Dino-Seguerra ay isa nakapanayam sa media conference para sa 8th Cinema Rehiyon

 

Madalas sa isang fake news ay binubuo ito ng mga napagtagpi-tagping istorya.

  • Nagpakilala ang manunulat o naglathala. Kapag ang isang artikulo sa internet ay walang link (o kahit mayroon pa) ay mainam kung may “byline” o iyong pangalan noong sumulat.  Ang responsableng reporter/ impormante ay ikakarangal na ilagay ang kanyang pangalan sa kanyang ulat at mailalahad kung paano n’ya nakuha ang impormasyon.

Magkaiba din na ikaw mismo ang may panayam (interview), nasa pinangyarihan, at nakakuha ng iba pang mahahalagang impormasyon kaysa nakibalita ka lang. Nagbabago rin ang dating nito lalo na kung sasamahan na ng sariling interpretasyon. Magkaiba din po kasi ang nagbabalita lamang sa nagbibigay na ng kanyang opinyon sa kanyang pinapaboran o hindi.

Ipinapaliwanag ni Philvolcs Chief Renato Solidum tungkol sa matinding lindol o “the Big One at disaster imagination ng mga Pilipino kasama ang mga panelista sa Cafe Scientique ng The Mind Museum

May tinatawag na kolumnista, debate, at talakayan na kung saan ang mga personalidad sa medya ay nagbibigay ng  kuro o sagot sa isyu na kanilang  nalaman.

  • Wala iyan kung  sikat ang paksa (trending topic), kundi kung napatunayang totoo ito.  Ang medya o sinumang responsableng impormante kapag nagkamali sa balita ay masasabihang “nakuryente” o nakakuha ng maling impormasyon.  Kapag napatunayan ay kailangang humingi ng paumanhin o “erratum” para maitama ang mali.  Paano nalalaman ang pagkakamali? Mayroong  pinagdadaanan ang mga istorya bago maiere o mailathala, gaya na lamang ng pagsusuri ng mga editors.  Ngayon, paano naman masasabing nasuri ang video o artikulong nabasa mo lamang sa Facebook, Twitter o anumang social media?

Bianca Gonzalez ibinahagi ang kanyang Twitter Rules sa Social Good Summit )

Hindi mahalaga kung ilan beses naibahagi (share o retweet) o nakailang “likes” o komento ang isang artikulo. Sa bandang huli ay ano ang mensahe, sino ang paksa, paano napatunayan na totoo ito, at mapagkakatiwalan ba ang nagbahagi?

  • Naiulat ng mapagkakatiwalang kompanya ng medya o website.  Ang pagpapalaganap ng balita ay hindi labanan ng popularidad at paboran mo agad ang paksa sa istorya. Ito ay upang magkaroon ng kamalayan at mag-analisa kung ano ang dating nito sa iyo bilang mamamayan o sa iyong buhay.

Howie Severino ay VP for Professional Development ng GMA Network

Kung naniniwala ka na bias o may kinikilingan ang isang kompanya ng medya ay bakit hindi ka lumipat na lamang sa iba?  Para din iyang pagkuha ng ikalawang opinyon sa iba pang doktor kung hindi ka nakontento sa una mong nilapitan. Ang importante ay lehitimo at mapagkakatiwalaan ang nilapitan mo, at hindi iyong nagmamarunong lamang.

Sa totoo lang po ay napakadaling gumawa na website o social media account na may salitang “news” o balita sa url. Ano po kaya ang magpanggap na otoridad at naglalathala ng hinabing istorya?  Ilang magandang salik na tingnan ay kung lehitimo o verified accounts ang isang website o social media account.

si Maria Ressa( nagsasalita sa pinakakanan) na CEO ng Rappler ay dating News and Current Affairs Chief ng ABS-CBN at CNN Bureau Chief sa Manila at Jakarta

Titulo pa lang ay punong-puno ng emosyon ng paninira o papuri.  Palagi akong nanood ng mga video sa Youtube ng mga gusto kong artista.  “Click bait” o takaw-pansin para pindutin ko ang mga video na may pamagat na mainam na pagsasalarawan. Nadadala ako at nalalaman ko rin kapag kapwa ko fan o mula sa ibang fandom  lalo na kung ang titulo ay mukha ng komento. Minsan malalaman mo na rin kung nakikisakay lang ang gumawa ng isang video para makakuha ng maraming views o manonood. “Consistency is the key. “

Kung usapin ng paraan ng pagbabalita ay hindi dapat parang komento ang titulo at katawan nito. Katunayan halos sa pamagat pa lamang ay malalaman mo na kung ito ay fake news dahil headline ay dapat

Newspaper vending machine sa QC Circle

  1. Hanggang maaari ay maiksi pero nandoon ang punto (halos pinaiksing buod)
  2. Walang gaanong pang-uri (adjective), bagkus ay pangngalan ( noun) at pandiwa (verb) na nasa aktibo nitong dating (active voice)
  3. Kukunin ang atensyon mo sa pamagat pero hahayaan kang mag-isip habang binabasa mo ang buong artikulo.

Halimbawa:

Fake news style: Miss Hibang kinabog at pinakain ng alikabok ang epal na si Miss Hoshi sa kanyang  bonggang pagrampa sa Miss U

Straight News Style:  Binibining Hoshi nagwagi sa Miss U

Blogging Style:  3 Dahilan Bakit natalo ni Miss Hoshi si Miss Hibang sa Miss U J

 

Klaruhin kung gaano kabalanse ang istorya. Na-interview ba ang bawat panig? Ano ba ang daloy ng kwento?  Sa akin talaga ay mas paniniwalaan  ko ang balita na may nakapanayam o  galing sa opisyal na pahayag. Kung ayaw pa magpa-interview ng paksa o wala pang nilalabas na pahayag, dapat ay magbigay muna ng impormasyon base sa inisyal na mga ulat at pagsasaliksik. Siyempre, kahit maiksi at ‘di pa kompleto ang mga detalye ay dapat doon lang sa totoong sinabi at nangyari.

koleksyon ng ng Magazines na nagtatampok kina Nora Aunor and Vilma Santos

Sa ibang banda, kailangan din natin na malaman na may iba’t ibang klase ng ulat at medya.   May nagtatampok (feature), nagdodokumentaryo (documentary/ investigative), diretsong ulat (straight/ hard news), gumagawa ng publisidad, at iba pa.  Sa hard news ay ang pinakamadaling halimbawa ay mga programang   24 Oras at TV Patrol.

Maging mapanuri sa intensyon ng balita (kuno). Ayon sa nabasa ko sa “Ang Bagong Pamahayagan sa Filipino” (Binagong  Edisyon) nina Narciso Matienzo  at Rosalina C. Matienzo ay mayroon din daw klase ng “false news”  o balitang ‘di totoo sa medya. Kadalasan ay lumalabas umano ito sa mga tabloid na ang intensyon ay kilitiin ang imahinasyon ng mambabasa.

National Press Club office sa Manila

Ano naman ang intensyon ng fake news sa internet?  Kung babalikan ko ang mga nabanggit sa itaas, sa kabuuan ang fake news ay

  • Istorya na nakakapukaw ng atensyon (#5),
  • may kasinungalingan (# 3 punto ) at walang batayan (#1 punto) pero ipinapalabas na totoo
  • na mga taong nagpapanggap ( # 2) at walang kredibilidad (#4)
  • para makapanlinlang ng mga tao para sa kanilang pansariling kapakanan.

Ang gabay na ito ay base sa aking mga natutuhan at opinyon at aking inilalahok  sa Saranggola Blog Awards 9.

Mabuhay!


About Hitokirihoshi

Slasher Star: passionate Online Publisher, grade 1 Digital Marketer, on-the-go Technopreneur, frugal Traveler, Cinephile since birth, natural Music lover, abstract Crafter, Digital Nomad, Millennial, and Multipotentialite or Yuccie? Common socialize with me!

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *