Hindi ko alam kung ano mayroon pero parang nagkaroon ako ng Teacher’s Day o Araw ng mga Guro ( October 5). Pero ang National Teachers’ Month ay tuwing September 5 – October 5 sa ‘Pinas. May nakausap kasi akong guro sa umaga at may mga nakasalubong ko ang mga nagwewelgang teachers. Nangyari lahat ng ito sa loob ng isang araw. Dahil kinikilala kong unang mentors ko ang aking mga guro, especially sina Sir Ramon Naanep at Ma’am Victoria Diaz ay lalong napalapit sa akin ang mga guro. Iyan ay bukod pa sa marami akong kamag-anak sa Eastern Samar at Davao na naging mga guro buong buhay nila. Hello sa mga Nadera at Cabides clans.
Ang worth ng pagiging guro ay base sa kanyang sweldo?
Noong umaga ay may nakausap akong isang public school teacher na nagbabalak mag-abroad. Itatago ko s’ya sa pangalan na Ma’am Rose. Na-curious ako dahil may kilala akong private school teacher na nagpursige na mag-public. Ayon sa teacher na ‘yon, na itatago ko sa pangalang Ma’am Sunflower, ay mas secured, maraming benepisyo, at maganda-ganda ang sahod. In fact ay mayroon silang chalk allowance kaya bakit nga ba may nag-aalisan na ang mga guro?
Tinanong ko si Teacher Rose kung bakit n’ya o ng ibang guro gustong mag-abroad? Alam ko namang LBM (looking for better management) at LBC (Looking for Better Compensation) ang kadalasang dahilan, pero gaano ba ka- worst para maghanap ng better? Ayon kay Ma’am Rose ay:
Delay ang sahod at allowance
Kahit pa anya sabihing malaki ang sahod at may mga allowances na natatanggap pero dahil delay ay mababaon muna sa utang ang isang guro bago niya makuha.
Ayon sa asawa ni Ma’am Sunflower ay mahaba ang naging proseso ang paglalakad nila para maging public school teacher s’ya. May “ranking” din sila na kapag tumataas ay mas mas maganda. Bibilang daw ng two months bago makuha ni Ma’am Sunflower ang sahod niya. bakit ganoon? Iyon na raw ang kalakaran.
Ano kaya ang paliwanag ng DOLE at DepEd dito ?
Kung iisipin, ang isang buwan na delay na sahod ay napakalaking dagok na sa house budget. Hindi mo naman masasabihan ang mga kompanya ng kuryente, tubig, telepono, transportasyon, at pagkain na puwedeng delay din ang bayad mo. Katunayan ay sasampalin ka pa ng penalty, surcharge, at interes kung ita-try mo ang pasensya nila.
School Politics
Sabi ni Ma’am Rose ay iyong matataas na rank na ang nakakakuha ng competitive salary. At bago mo makuha iyon ay dadaan ka sa butas ng karayom, iyan ay maliban pa sa “palakasan system” o dikit mo sa mas mataas sa iyo. Tinanong ko s’ya kung iyan bang kalakaran na iyan ay sa school lang nila o sa lahat ng public schools. Sagot n’ya ay sa kabuuan ay ganoon.
Naalala ko noong elementary ako, mga grade 5, ay may pagkakataon na pinapirma/ pinasagutan kami ng Math or English teacher ko na may kinalaman sa pagpapatalsik sa principal namin. Hindi ko na tanda ang detalye o name ng teacher pero tanda ko ‘yong epekto sa pagtingin ko sa gurong ‘yon, sa iba pang guro na deadma, at sa principal ( naalala ko name n’ya). Nangyayari pala ang away o politics sa school, ano? Pero sa point na ‘yon ay nakuha ni Mr. Math or English ang simpatya ko at ikinagalak kong naipanalo n’ya ang laban n’ya. By the way, 7 taon akong nag-public school.
Mababa ang tingin sa mga Guro
Sa lahat ng napag-usapan namin ni Teacher Rose ay pinakanaantig ako sa sinabi n’yang minsan din ay mababa ang pagtingin sa mga teacher (dito sa Pinas?). Mukhang inosente man ang sagot ko na “bakit ganoon?” pero nagtataka talaga ako. Iyan ay dahil daw sa mababa ang sahod. Kaya nasabi ko na problema iyan sa society natin, iyong halaga at saysay ng propesyon mo ay ibinabase sa kinikita mo rito. Nakaka-demoralize na nga na hindi ka satisfied sa sahod mo, tapos ang baba pa ng tingin ng ibang tao sa iyo.
Sa pag-aaral ko ng personal finance (kasama na ang wealth creation at personality development), ilang beses kong na-encounter ang mga mensahe na hindi sukatan ng iyong self-worth ang iyong kinikita. Ang iyong net worth ay pagkakalkula lamang ng iyong income and/ or asset pagkatapos ibawas na rito ang iyong obligasyon o liabilities. Kaya kahit mataas ang sahod mo, kung waldas ka naman at sagana ka pa sa utang, eddie mababa rin ang net worth mo. At mas may saysay ng milya ang self-worth, kaysa net worth dahil tool lang naman ang pera at ari-arian. You can even earn more and happier kung okay ang self-worth mo.
Balik tayo sa worth ng mga guro, naalala ko ang linya ni Sir Naanep na sila ay mga hamak na guro man ay sila ang humuhulma ng mga abogado, doktor, guro at iba. Kung saan man kaming mga estudyante nakarating, yumaman o humirap, naging professional/skilled o informal sector ay naging bahagi ng buhay namin ang mga guro. Hello lagpas isang dekada ng buhay mo kung nakapagtapos ka pag-aaral, wala pa dyan kung magma-masteral o doctorate ka ay kasama mo ang mga guro.
Welga ng mga guro
Napadaan kami ni Nanay sa City Hall na kung saan ay may nakita kaming nagwewelgang mga guro. Base sa mabilis na pagbasa sa mga placards, habang nasa jeep, naunawaan ko na ang sinusulong nila ay omento sa sahod. Ikinagulat ko na wala pa pala sa Php 30k ang kanilang sahod. Iyon ay bukod sa alam kong reklamo na may kinalaman sa delay.
Ang unang pumasok sa isipan ko ay “hindi dapat sila nandoon.” Dahil hindi dapat nila nililimos o winewelga ang sahod na karapat-dapat nilang makuha. Dapat ay nasa eskwelahan sila at pinagtutuunan ang pagtuturo sa mga batang magiging lider, guro, abogado, huwes, negosyante at iba pang mabuting mamamayan sa ‘Pinas o sa ibang bansa.
Katunayan naniniwala ako na ang basic na asset ng isang school or education system ay hindi sa pasilidad nito, kundi unang-una sa guro nito. Naranasan ko na walang library, walang computer room, walang laboratory, nakikihiram ng libro, at pisara lang ang dingding, pero dahil magaling na educators ang karamihan sa mga guro ko ay naging mahalaga ang pagtingin ko sa edukasyon kahit sa paanong paraan ko pa ito makamit.
Mabuhay sa lahat ng passionate at dedicated teachers.