May ilang bagay kung bakit ako sumama sa San Pablo Laguna trip ng vloggers na sina Lost Juan at Whatsup Tony. Tatlo rito ay para ma-experience ang maging joiner, mapuntahan ang Nagcarlan Underground Cemetery, at makasaksi ng actual travel vlogging.
Ano ang Travel Joiner ?
First time ko na mag-joiner sa pagta-travel at dito ‘yan sa San Pablo Laguna trip. Nababasa-basa ko na ang term na ito sa Facebook group page/fan page at sa ilang sites gaya ng When In Manila. Una ko itong narinig sa isang kakilala na masaya sa pagso-solo travel at sa kanya ako napaisip kung ano ba ang pakiramdam ng maging joiner.
Sa hindi nakakaalam, ang joiner ay ang taong sumasama sa group tour na kadalasan at karamihan ay mga estranghero sa isa’t isa. Mas mura ang ganitong travel dahil as we all know iba ang wholesale group package kaysa tingi solo travel.
Hindi naman ako masyado na-challenge sa first attempt kong maging joiner. Una kasi ay ilang beses na ako nakarating at may mga kakilala ak sa Laguna, kaya mas may chance mag-survive ako. Kasama ko rin si Syngkit, na s’yang nag-aya, nag-sponsor (yahooo), at nagpakilala sa akin kung sino sina Sandy Jones Pilarca or The Lost Juan and Anthony McGregor o Whatsup Tony.
#Hitokirihoshi experienced to #GetLostWithJuan to #TravelwithTony
Aminado ako na hindi ko kilala sina Lost Juan and Whatsup Tony bago ang aming group tour. Dahil naman iyan sa mas into blogging ako kaysa vlogging. In fact pang video documentation ang Hitokirihoshi Channel ko ata. Kaya, very few ang kilala kong Vlogger/ Youtuber lalo na ang niche ay travel. Pero ‘yong pagiging vloggers nila ang nakadagdag sa factor na maisip kong safe at exciting itong San Pablo Laguna trip namin. If ever kasi sila rin ang first Youtubers o travel vloggers na mami-meet ko.
(Sa travel blogger, ang first kong nakasama sa lakaran ay si Pinoy Adventurista sa photowalk together with Powerhouse G5.)
Nakaka-excite kasi gusto ko makita yung behind the scene and their styles. Nag-e-expect ako ma-gadget sila na tipong may cameras na puwede sa ere, sa ilalim ng tubig, at iba pa. Mayroon! Iniisip ko rin na bawat galaw nila ay kinukuwento nila sa kamera. Hindi ganoon ang nakita ko. Nakaka-amuse siguro kung oo, pero okay lang din na hindi. Naging way siguro ‘yon para mas maka-interact namin sila. Si Lost Juan yung ala–tourist guide at si Tony yung parang entertainer. Nosebleed lang ako konti ( mga 2ml) dito kay Tony na half-Australian. hehehe
Siguro kaya hindi na sila ganun ka-active ay two days yung Laguna Trip nila, at nagkataon sa second day kami sumama. Kaya, puwede nakuha na nila ang dapat nilang makuha sa first day.
San Pablo Laguna Trip for One day
Hiking sa Tayak Hill. Ang first stop naman ay sa Tayak Hill. Dito magandang makita ang pitong lawa sa San Pablo na kinabibilngan ng Lake Sampaloc, Lake Bunot, Lake Palakpakin, Lake Muhikap, Lake Calibato, at ang kambal na Pandin at Yambo Lakes. Katapat din nito ang tinaguriang Devil’s Mountain o ang Mt. San Cristobal.
Yung van na sinakyan namin ay umakyat na sa bundok pero siempre ay umakyat pa rin kami nang palakad para maabot ang tuktok. Iyong daan pataas/pababa ay halos sementado lahat so walang problema sa putik. Pero piliin mo pa rin ang sapatos, sandals, o tsinelas na makapit kasi iyong daan matarik talaga. Na-stretch talaga ang veins, muscles, at hita ko sa kakabuhat sa puwet ko sa kakalaban sa gravity, charr! Dala ka rin panlamig dahil kung hindi good luck sa pagtitiis.
Bamboo Rafting sa Yambo Lake. Puwede naman daw kami sa Pandin pero mas mura at open sa Yambo Lake. For me nagagandahan na ako sa lawa na ito. Masarap magmuni-muni at puwede na ritong mag-shoot ng music video ng iyong saloobin, naka naman!
Samantala, hindi ko alam kung bakit takot akong lumangoy sa lawa ( first ko rin ata). Bukod sa hindi naman ako marunong, hindi ko rin nakikita ang ilalim hahaha. Feeling ko ‘pag lumubog ako ay iyon na ang “the last time we saw Hitokirihoshi” ang drama. Pero lumusong din ako sa huli kasi.. ako pa ba?! Sayang eh!
Sa ibang mas nagbabagang balita, nagse-serve din ng lunch meal sa balsa dito sa Yambo Lake (habang malayo kayo sa pampang). Ang kinain namin ay ensalada, inihaw na tilapia, at pork chop. Ang panghimagas (dessert) naman ay pichi-pichi at palitaw. Nice lunchtime experience by the way, maiba sa usual food trip sa kalupaan.
Swimming sa Twin Falls. Awesome din ang pagtunton namin ng talon kasi dumaan kami sa medyo kagubatan at tatawid sa batis na may mga tipak ng malalaking bato . Inasahan ko na malamig ang talon (based sa memory ko sa Ditumabo Mother Falls, Baler ) pero mas kinaya ko agad ang lamig dito. Iyon lang mas takot akong lumangoy at dahil ulit iyon sa hindi ko nakikita ang ilalim at higit sa lahat, hindi inaabot ng paa ko ang sahig. Hehehe.
Depende sa kung saan kayo magpapalit o magbabanlaw, pero heads up medyo struggle ang part na ito
Nagcarlan Underground Cemetery. Ito talaga yung nanghalina sa amin ni Syngkit sa itinerary.
Nung nag-Visita Iglesia kasi kami starting from Sta. Cruz, Laguna ay ito iyong hindi na namin napuntahan. Naligaw, naaliw ( Tsinelas Festival, ) at nagabihan na kami sa Liliw e.
Nang napasok na namin Nagcarlan Cemetery ni-remind nito sa akin ang Paco Cemetery pero siempre iba ang aura nito, at interesting ang libingan sa ilalim nito. Ayon kay Lost Juan, mayayaman daw ang nailibing sa underground noong unang panahon. Hininto na ang paglilibing dito at ang huling pagkakataon ay noong 1992 (kung tama dinig ko). Ayon sa marker, ang Nagcarlan Underground Cemetery ay itinayo noong 1845 at dito rin lihim na nag-group chat ang mga lider ng himagsikan noong 1896.
Café Lago at Sampaloc Lake. Ito yung lugar na parang city life na talaga na nagkataon ay may lawa. Dito ka tumambay kung nami-miss mo ang Manila Bay o Roxas Boulevard, minus yung dami ng nakadaong at maitim na tubig. May mga marerentahan din daw ng bike dito. Kung tumagal kami siguro dito ay baka naka-compose pa ako ng song, poem, o script dito. (Read: BAKA lang)
Yung Café Lago ay isa sa lakefront establishments sa lugar. Simple ito pero masarap tambayan para sa malawakang conversation. May ibang punch din ang kanilang hot chocolate na gawa sa tablea.
After namin sa mga ito ay nag-food trip na kami sa Babas Mediterranean Grill at SUKI Alfresco Restobar.