Paano Kumuha ng NBI Clearance nang Mabilis at Walang Hassle   updated!


Ang pagkuha ng NBI clearance ay isa sa siguradong gagawin mo when you are an adulting Pinoy. Isa ito sa mga pangunahing requirement, lalo na sa trabaho, travel, at iba pang legal or government-related process. Layunin nito na mapatunayang wala kang criminal record. 

Paano ang pagkuha ng NBI Clearance? 

Kung tutuusin ay easy lang naman makakuha ng clearance mula sa NBI o National Bureau of Investigation. Pero puwede ring di maging madali. Iyan ay kung hindi mo alam ang iyong dadalhin o gagawin. Ang tips ko ay base sa experience ko sa pag-process sa main NBI Clearance Center sa Taft Avenue, Manila.

NBI Clearance Center Taft, Manila

1. Apply online immediately to get a reference and a preferred slot

Recommended na mag-apply agad online kung kailangan mong kumuha ng NBI Clearance. Iyan ay para ma-book mo agad ang iyong preferred date or slot. May times na halos wala ng available dates sa isang buwan depende sa branch. Tandaan din na it takes time ang releasing ng clearance. Sa akin, madalas at pinakamabilis na ang one week bago ma-release. 

Una rin sa lahat ay requirement talaga ang mag-apply online sa designated website ng NBI Clearance. Doon ka makakakuha ng reference number. Ang reference na ito ang hahanapin sa entrance at sa counter ng nagka-capture ng photo at biometrics. Kung wala o mali ay hindi ipoproseso ang iyong clearance.

Halimbawa: Itong huling kuha ko, iyong sinundan kong lalaki sa pila ay lumang reference number ang ibinigay. Dahil doon ay ‘di naproseso ang kanyang clearance. Nasayang ang kanyang pagpunta, almost three hours na pagpila at scheduled slot.

Magkano ang NBI clearance?

Ang halaga ng NBI clearance ay ₱130 (as of 2026). Same pa ito noong 2023. Pero may dagdag akong binayaran na ₱30 para sa convenience fee sa Maya.  Bukod sa Maya ay marami pang payment method na mapagpipilian. Pwede rin na piliin ang ipa-deliver na lang clearance after mong mag-apply.


Okay ba sa mismong NBI Clearance Center?

Maraming branches o satellite offices ang NBI na pwedeng pagkunan ng clearance. Nakakuha na ako dati sa city hall at isang mall. Ideal yun kung may ilang week pa bago ang preferred date mo ng pagkuha. Sabihin na natin, hindi ka naman masyado nagmamadali. Kung ganun ay malaki ang posibilidad na makakapag-secure ka ng schedule agad. O depende ‘yan sa branch o satellite office.  

Sa experience ko, ang pinakamabilis at maraming slots palagi ay sa NBI Clearance Center sa Taft, Manila. Halos palagi, kaya iyan ang go-to branch ko kung nagmamadali ako. Itong huli, iyong nearby branch sa amin ay three weeks pa ang available date na makukuha ko. Kung isasama ko pa yung one week after ma-release ay hindi na aabot yon sa travel date ko. Kaya, doon na nga ako sa NBI Taft.

Puwede bang walk-in o mag-online application sa araw ng pagpunta mo?

Sa pagkakaalam ko ay online na talaga ang NBI, walang literal na walk-in application. Pero pwedeng sa mismong araw ka mag-apply online sa NBI Clearance Taft. Again, logical na baka dito lang sa branch na ito possible ‘yon dahil sa maraming silang available slots. Pwedeng hindi sa ibang branches or satellite offices.

Sa kalsada pa lang ay may mga nag-aalok na ng assistance para sa NBI Clearance online application. Pero I recommend na sa loob ka na ng center mismo mag-apply. Una sa lahat, libre naman roon at ang labo na maloko ka. Though, hindi ko pa nasusubukan. 

Iyong area for free NBI Clearance application ay ‘di malayo mula sa entrance. Iyon ang unang pinto o daan sa right side. Makikita mo rin naman ang nakapaskil na Free Online Application, katabi ng “Releasing” area.

2. Ihanda ang lumang NBI clearance, two valid IDs, at reference number

Sa website ay two valid government IDs lang ang nakita kong requirement. Pero mabuti na lang naisip kong dalhin yung last na nakuha kong NBI clearance. Hinahanap din kasi pala! 

Pero I think ang pinakamahalaga sa lahat ay reference number na nakuha mo nung nag-apply ka online. Sa website sinasabi na mp need to print, pero sa center ay nire-require nila na isulat mo sa papel yung reference. So unahan mo na, i-print or isulat mo na sa papel yung reference number. I think kahit sa ¼ or ½ crosswise paper ay puwede na. Doon din itatak ang release date ng iyong clearance. 

Extra Notes:

  • Hindi nila tinatanggap ang company at school IDs. Kaya ang government IDs na dadalhin ay gaya ng SSS/UMID, passport, driver’s licence, o birth certificate. 
  • Sa mga first-time job-seeker na mag-a-avail ng free service (as per RA 11261), kailangan ng Brgy. Clearance. Iyon lang, baka mas mahal pa ang bayad sa Brgy. Clearance kaysa NBI Clearance mismo. 

Pero base nga rin sa RA 11261 o “The First Time Jobseekers Assistance Act,” Section 4 ay dapat free din ang pagkuha ng Barangay Clearance.  Sa Section 5 naman sinasabi: “First time jobseekers availing of the benefits provided under this Act shall present a barangay certification stating that the applicant is a first time jobseeker.”

  • Magdala ka palagi ng black ballpen. Hindi lang ito sa NBI, kundi sa lahat ng government agencies, bangko, at iba pang offices. Nakakaabala yung aalis ka ng pila para bumili o mamoroblema kung kanino ka manghihiram.

3. Maghanda sa posibleng haba ng pila

Hindi naman palagi pero malaki ang chance na mahaba ang pila lalo na sa NBI Clearance Center. Expected yan dahil ito ang main o head office. Itong huling pila ko ay umabot ng 2.5 to 3 hours. Nagkataon din siguro na mas marami akong kasabay kasi isang araw ‘yon bago mag-holiday. Iyong last na kuha ko, noong 2023, mabilis-bilis naman ang pila. 

4. Magkuha ng photo, biometrics, at signature sa counter

Ipapakita ang reference number, government IDs and Old NBI Clearance sa NBI Staff sa counter. Though mas may paki s’ya sa reference, maigi na rin na ihanda ang dalawa pang nabanggit. Sa nakapaskil sa mga dingding ay ganun din ang required sa mga foreign nationals. 

Sa biometrics, kung di mo pa alam ay malalaman mong na-capture na ang fingerprint mo kung magpupula ang ilaw sa aparatus o tool. Pag ganun, saka ka magpapalit ng daliring itatapat o ididiin dun. Tingin ka rin sa monitor (kung nakatapat sa iyo) kung nakuha na.

Kapag okay na ang lahat ay saka tatakan ng NBI staff ang papel mong may reference number ng release date. Sa akin, usual na ang one week talaga. Hindi lang ako sigurado kung ganun sa lahat nag-a-apply. Doon pa lang kasi sa floor na yon, bago sa exit, ay may counter for printing o releasing akong nakita. So in my theory, baka pwede rin na ma-release agad ang clearance mo. Iyan ay kung wala kang kapangalan at walang problema sa iyong record.

5. Releasing Date

Bumalik ako sa mismong date ng release ng NBI Clearance ko.  Ang ipinakita ko lang ay yung papel na may reference at tatak ng release date. Mabilis naman ang pila at nakuha ko agad ang clearance ng ilang minuto lang. 

Sa Center, as mentioned, iyong releasing area ay malapit sa entrance area. Yun ang unang pinto o daan sa right side. 

Hanggang kailan ang validity ng NBI Clearance?

Sa latest ko ay may isang taon ang validation nito. Ang counting noon ay mula nang araw na kinunan ako ng photo, fingerprints, at lagda. 



About Hitokirihoshi

Slasher Star: passionate Content Creator, grade 21 Digital Marketer, on-the-go Filipina, progressive Technopreneur, frugal Traveler, nurtured Cinephile, Music lover, abstract Crafter, Digital Nomad, Millennial Babe, Multipotentialite, and Yuccie?

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.