May nagtanong sa akin “Paano ba mag-budget ng sahod para hindi kapusin ang pera?” Technically, hindi ko nasagot nang tama, kasi kung usapang budget plan ay hindi ko ginagawa ‘yon, palagi. Ang alam ko ay 3 simpleng importante bagay kung paano makaipon ng pera mula sa sahod nang hindi masyadong nagba-budget:
Step 1. Gumastos in moderation
Ang budget is like diet. At ang diet sa pagkain ay hindi nangangahulugan ng paggutom sa sarili. Ang sinasabi lang ay moderation sa pagkain lalo na sa nakakasama sa kalusugan. Kung itse-check mo ang food pyramid o diet pyramid ay hindi naman totally ipinagbawal ang pagkain ng karne o mantika. Ang kailangan lamang ay untian kumpara sa sobra-sobrang pagkain (something like lamon). Ganoon din sa pagba-budget.
Kahit ikot-ikutin mo lahat ng tips na mahahanap mo ay lalabas ang pagtitipid lamang o ang paggastos in moderation. Hindi ito pag-deprive sa kung ano gusto mo talagang bilhin, kundi ay paggasta nang tama o wais. Ang pagpili sa kung saan ka makakasulit o makakamura. Sunod na rito ay pagkonsidera sa kung paano mo pinaiikot o pinapalaki ang iyong pera at tamang paglaanan nito.
Kung habit o lifestyle mo na talaga ang magtipid ay medyo malabo na mawalan ka rin ng pera. UNLESS, may something…
My Budget lesson: By default, ang buyer’s guide/ factor ko ay sa kung saan ako makakatipid o makakasulit. Hindi ako partikular sa brand name, kundi sa quality at rarity (pagkabihira) ng bagay. Kahit mahala kung matagal ko namang magagamit ay bakit hindi.
Step 2. Maintain frugal lifestyle, dagdagan ang mapagkakakitaan
May pagkakataon na kahit anong pagtitipid ay hindi kakayanin. Iyan ay kung mababa talaga ang sahod para sa pang-araw-araw na gastos. Halimbawa ay sumusuweldo ka ng Php 15,000 buwanan, pero ang monthly expenses mo talaga ay Php 20,000 to Php 25,000. Parang wala ngang kwentang mag-budget kung wala ka namang titipirin pa.
Anong gagawin mo? At paano naman kung sapat lang sa gastusin ang sinusweldo mo? Sa akin dalawa ang choice o ginagawa ko:
- Maghanap ng trabahong may mas mataas na sahod
- Maghahanap ng freelance job, sideline business o anumang paraan para madagdagan kita
Dapat tandaan na kapag nadagdagdagan na ang iyong kinikita, mainam na hindi magbabago ang iyong lifestyle expenses. Kung magbabago man ay ‘di mabilis o sobrang magarbo. Kailangan na mas mababa pa rin ang living, lalo na ang lifestyle, expense kaysa sa iyong kinikita.
Ang mainam ay magkapera ka hindi lamang pantustos sa gastusin, kundi para talagang makaalwal o makapag-ipon ka. Tipong kakayanin mo na may
- makapag-emergency fund,
- investment,
- retirement fund,
- at mag-avail ng insurance
My Budget lesson: Isa sa karanasan ko ay magka-fulltime job na ang sahod ay halos eksakto lang sa panggastos. One day, I realized na may free time naman ako after work o weekend kaya naghanap ako ng freelance gig. Iyong hindi naman conflict sa day job ko.
Mga six to 10 months later, nakaipon na ako ng malaki-laking ekstrang pera. Hindi ko kasi ginagastos ‘yong kita ko sa freelance work ko. Ipinautang ko ‘yon sa kuya ko para sa sari-sari store business n’ya. After a year nabayaran n’ya ako at ibinili ko ng laptop para magamit ko sa work at freelance gigs ko. Noong nakabawi-bawi na ako ay saka ako naglakas-loob na mag-invest at tuparin ang isa sa pangarap ko.
Bakit nga ulit kailangan panatilihin ang lifestyle expense kahit sumasahod na ng malaki?
Una sa lahat klaruhin ko na magkaiba ang living expense at lifestyle expense.
- Ang living expense ay gastos sa mga pangangailangang bagay gaya ng pagkain, tubig, kuryente, bahay, at medikal.
- Ang lifestyle expense ay mga ekstrang gastos para sa gusto mong pamumuhay. Halimbawa ay nagbabayad ka sa gym membership, online app / software subscriptions, o beauty salon or clinic.
Hindi masama magkaroon ng lifestyle expenses. Ang tanong lang d’yan ay kung kaya mo bang i-sustain kasama ng iyong living or essential expenses. Ano ang boundary para masabi pang essential or lifestyle expense ang isang bagay? Good example d’yan ay ang internet connection. Expense ito kung for entertainment or leisure purposes lamang. Pero kung need ang connection sa work o pag-aaral, ito ay living expense, if not considered investment.
Sa mga nakausap kong OFWs, kahit corporate employees, may impact talaga sa kanilang money management ang kanilang lifestyle. Kapag itinaas o isinabay mo kasi ang lifestyle expense mo sa pagtaas ng iyong kinikita ay wala ka halos maitatabi. Ang tawag din dito ay Lifestyle Inflation. Baka nga mas okay pa ang mababa ang sahod mo, basta matipid ka. May mga kakilala ako na ang tataas ng sweldo, pero kinakapos palagi sa pera. Hindi nila napapansin dahil iyon sa money diet nila para sa kanilang lifestyle. Karamihan nga pala sa kanila, papalit-palit ng model ng smartphone.
Step 3 Magtabi ng pera palagi
Isa sa mga money saving tricks na na-develop ko ay basta magtabi ng pera. Ulit! Basta mag-TABI ng pera. Hindi pa iyan ipon ha. Ito rin ang nirerekomenda ko sa nagtanong at magtatanong sa akin kung paano mag-budget ng sahod na hindi na nag-iisip pa paano mag-budget plan.
- Una, nakakabagot at ang hassle naman talaga na iisa-isahin mo pang i-compute ang bagay-bagay. Although siempre advisable ‘yon. Ginagamitan ko ng excel minsan pero madalas sa binibilibili kong planner.
- Pangalawa, hindi naman sinasabi sa pagtatabi ng pera ay pinipilit mo ang sarili mo na mag-ipon. Ang opinyon ng marami sa pag-iipon at pagtitipid ay negative na pagkakuripot at boring!
Pero subukan mong itabi ang mga ekstrang pera na mula sa sukli, bonus, o incentive. Balewala ‘yan sa umpisa, pero ‘pag naipon ay malaki na pala.
Ito pa ang money trick ko para makapag-ipon ng pera mula sa sweldo/ kita.
Ang kwento nina Wally, Piggy, at Banker
Ang kay Mr. Wally at ang kay Mr. Piggy. For a whole week halimbawa ay may budget ako na Php 1500, kasama na roon ang transportation (trike, bus, at jeep) at food (merienda or lunch) allowances. Kapag hindi ako magta-tricycle, ang perang nakalaan doon ay ekstrang pera ko na. Ganoon din kung hindi ko nagastos ang pang-merienda. Pero sa halip na ilalagay ko ang ekstrang pera ko kay Mr. Wally (wallet), ipapatago ko na kay Mr. Piggy (alkansya o anumang lalagyan ng pera).
Hanggang maaari, kung ano ang pera ko kay Wally ay panggastos lang. Kaya hanggang maaari ay hindi n’ya hawak ang ekstrang pera na dapat itinatabi ko o hindi naman panggastos. Isa pa’y ang hirap ikondisyon ang sarili na ‘wag galawin ang perang nasa wallet mo, ‘di ba? Makakaiwas ka pa ba kung may makikita kang masarap na pagkain o napakagandang damit kung may pera sa Wally mo? Waley!
By the way, ngayon ay itinatabi ko na agad ang mga nakakalitong barya gaya ng Php5 at Php10 kay Piggy (in this case, garapon s’ya).
Ang para kay Banker. Bibihira na may laman na malalaking pera (Php 1000 o Php 500) si Wally. Medyo hindi n’ya rin trip dahil sing laki lang s’ya ng typical coin purse. Kaya tutupiin at ipagsisiksikan ko pa ang mga money bills sa kanya. Ang ginagawa ko sa perang malalaki ay, ideally, ibinabangko ko na kay Mr. Banker agad. By the way, may for deposit na ATM. Bakit?
- Delikado kung na kay Wally o dala-dala ko parati. Marami na rin akong nakilala na nalaglagan ng Php1000 sa pagbunot ng pera.
- Delikado kung alam mong ‘di safe sa bahay. Dagdag pa d’yan, kapag alam mong ang dali sa iyo gumastos kapag may nakikita kang pera.
Ilan pang simple money tricks or budget style ay para hindi maubos ang sahod (kung ATM/ Bank)
- Huwag kunin lahat sahod sa ATM. Withdraw ka lang kung ano muna ang pagkakagastusan mo. Pinagtatawanan ako dito, pero talaga nagwi-withdraw lang ako ng Php 500 lang.
- mag-auto transfer ka mula sa payroll account mo patungo sa iyong savings account
Sana nakatulong sa iyo ang mga tips ko. Ikaw ba mayroon masi-share? Comment down below na!
ngayon lam ko na kung paano mag budget. Salamat