Isa sa mga nakalimutan ko ng pangarap ay ang maging children’s book author. Pakiramdam ko kasi noon madali lang kwentuhan ang mga bata at may patak ng pagka- J.K Rowling, Louisa May Alcott, at Mark Twain ang dugo ko ( feeling lang naman). Sa aking pagbabasa ng children’s book na Hagdan/ Agdan ng Ilocano Palanca Award winner writer na si Sherma E. Benosa, hindi lamang nito ipinaalala ang aking pangarap na maging manunulat, kundi ang saya, payak, malawak at makulay na mabubuo ng isang kwento para maghatid ng aral sa mga bata.
Agdan: bilingual and comic book
Ang isa sa panalong feature na napansin ko kaagad ng book ay pagkakasalin nito sa Filipino at Ilocano. Waray ako pero na-appreciate ko ang wikang Ilocano sa libro na ma-Sarraap bigkasin at nakakaenganyong malaman ang katumbas ng mga ito sa Filipino. Tiyak na ikakatuwa ito at maipagmamalaki ng mga magulang at mag-aaral para maipakilala pa ang diyalekto ng mga Ilocano.
Kasunod na napansin ko rito ay ang paglalahad at layout ng kwento nasa anyong komiks. Ilan na nga lang ba ang nagbabasa ng komiks o may nagpa-publish pa ng mga ito? Sa Hagdan o Agdan sa Ilocano ay ma-e-enjoy ng mambabasa ang kwento na hindi mag-iisip kung sino ang nag-dialogue, maraming illustration at mahusay ang guhit ni Blanca D. Fuentes. Iyong kulay, tekstura at kabuuang disenyo ay buhay na buhay at masining. Katunayan na-inspire ako nito na ganitong klaseng disenyo ang aking next scrapbook. Ibig sabihin naakit ako ng art ni Bb. Fuentes.
Lesson sa Hagdan?
Hindi maiiwasan na makadama tayo ng pagbaba ng kumpiyansa lalo na kung tayo ay nasisita, nakakatanggap ng kritisismo at ikinukumpara sa iba. Para bang natatanong mo na rin sa iyong sarili ‘ano ba ang silbi ko sa mundong ibabaw’ o ‘siguro ay wala akong kwenta?’ Sa Hagdan, naipakilala ni Sherma na ang bawat bagay ay may halaga na malaki o maliit, napapansin o hindi, inaakyat o sinasara’t binubuksan ay may silbi.
Pakiwari ko nga pati mga karpintero, arkitekto at gumagawa ng mga furniture ay magugustuhan ang kwentuhan nina Hagdan. Pero siempre para sa mga bata, mainam ang mapupulot nilang aral sa libro ito. Ilan na rito ay kilalanin ang iyong sarili at maniwala na ikaw ay may purpose sa buhay. Parang bintana, gawa man sa bakal o kahoy pero ito ang nagbibigay daan para makita natin ang tanawin sa labas.
Mabuhay!
Mabibili ang Hagdan ni Sherma Benosa sa sumusunod na book stores:
- Mt. Cloud Bookshop (Baguio City)
- Bookstorm (Tacloban City)
- Bookayukay (Maginhawa St, QC)
- BookFellas ( East Kamias)
- Silahis Arts and Articrafts (Gen Luna, Intramuros, Manila)
- Busyok Creative (Solano Nueva Vizcaya)
Para sa order online at iba pang detalye bisitahin ang Hagdan Page o mag-text sa 09209038511