Ang Bata ko sa Divisoria


divisoria by dayPuno ng pagdadalawang-isip ang pagpunta ko sa Divisoria noong Sabado (Setyembre 10) para mamili. Kung susundin ko kasi ang pinakapakay ko na bilhan lang ng gamit  ang isisilang na anak ng ate ko ay parang mas makakamura pa ako kung sa pinakamalapit na mall ako pupunta. Isa pa’y matinding enerhiya ang kinakailangan kada pupunta ako sa Soria (pinaikling taguri ng mga tsuper ng jeep) para sulit. Hindi naman kasi praktikal kong mapapadpad ka rito kung iilan lamang ang bibilhin mo, pakyawan kung pakyawan kung kakayanin. Tapos ayon umilaw ang isang bumbilya sa diwa ko. “Ting! Isabay ko na ang mamili ng panregalo sa Pasko lalo na para sa aking mga inaanak at pamangkin.“

Pero bakit nga ba ako mamimili ng Pamasko gayong Setyembre pa lang at ang dami ko pang pagkakagastusan? Iyong abala ba sa oras, gastos, at pagod ay mapapalitan ba man lang ng ngiti o pasasalamat? Kung iisipin ‘yong laruan na matiyaga mong hinanap, ibinagay, pinili, ikinumpara at higit sa lahat ay tinawaran ay tatagal ba naman kahit hanggang sa susunod na Pasko o Araw ng mga Puso? Pero sige sa ngalan ng pag-iwas sa daluyong ng mga tao sa Kapaskuhan at ngiting babanat sa mukha ng mga inaanak o pamangkin ko, tapat na este sapat na!

Personalized Letters for braceletsSubalit alam n’yo mga ate at kuya, sa gitna ng pag-iisip ko sa aking mga reregaluhan ay hindi ko maitatanggi ang mga naglalarong ideya sa utak ko habang naglilibot ako sa ‘Soria. May bibilhin ako na laruan na alam kong bagay sa reregaluhan ko, pero parang mas kursunada ko ‘yong manikang lila  kaysa doon sa kulay rosas.  Uso sa mga bata ‘yong  mga disenyong SpongeBob at Angry Birds pero sayang iyong libreng isa na puwede namang maging paborito kong kulay kahel at ubeng bituin.hoshi_divisoria

Naengganyo rin akong  pasukin ‘yong isang eskinita na masikip pero parang itsura ng eksena sa mga telefantasya (fantasy series) sa telebisyon. Nandoon pa nga ‘yong pakpak ni Aguilus (Mulawin), sumbrelo ni  Darna, espada ni Panday, maskara ni Batman,  panali nila Naruto, batya  o pananggalang ni Captain America, sinturon ni Captain Barbell at agiw este laruang sapot ni Spiderman. Sayang wala ‘yong gusto kong  ubang peluka  ni Rogue (X Men), hangin ni Amihan (Encantadia) at ang matalas na tinidor ni Elektra (Daredevil) na  kahit ‘yong gawang kahoy lang.

assorted toysSubalit sa pagsuot-suot namin sa iba’t ibang kalye at gusali ay napadaan kami sa isang madilim na daan. Doon naman ay nakakita ako ng tatlong mamang malalaki ang tiyan na nakahilata sa kani-kanilang puwesto.  Bigla nagbalik sa aking alala iyong mga kontrabida sa napapanood ko sa Cedie: Ang Munting Prinsipe, Remi: No Body’s Boy, at Julio at Julia: Kambal ng Tandahana. Habang may mga batang ipinagpapalit ang kanilang mga laruan at kabataan para may maiuwing pagkain sa kanilang mga nakababatang kapatid at  inang nararatay sa sakit sa kanilang bahay na maraming tumutulong tubig kapag umuulan, ay may mga karakter na sadyang nakakainis panoorin dahil sa kanilang mga aksyon.

Naisip ko pa tuloy na kung ‘yong mga batang  naglalako ng mga paninda ay nakakabili man lang ng laruan na gusto nila? Iyong mga magulang na gumagawa ng laruan, napapasalubungan kaya nila ang kanilang mga anak? Paano pa kaya kung isipin natin na sa monitor ng TV ay may dalawang eksena ng mga bata. Iyong kanan ay iyong batang nagtatrabaho sa Divisoria na masinsinang gumagawa ng laruan. Iyong kaliwa namang screen ay ‘yong nakatanggap ng maganda niyang ginawang laruan pero tinatapon-tapon at inaapak-apakan lang ‘yong regalo sa kanya. Parang nakakaiyak sa imahinasyon ano? Pero hindi naman ako nagpaparinig sa mga reregaluhan ko sa Pasko, nagpapaisip lang. Kasi hindi ko pa naman sinasabi na mahirap din ang magbalot ng regalo tapos pupunitin o guguntingin saka lalamusikin at iitsa sa basurahan.

Pero kung ilalabas ko ang mahiwaga kong timba na puno ng sinalang malinis na tubig at kakausapin ko ang aking repleksyon. Sasabihin ko sa aking sarili “Hitokirihoshi o Hoshi, ilang beses ka nang sumemplang sa laban, tumaob sa kalungkutan, kumandirit sa kagalakakan, maumpog sa sakit ng realidad o magpakaseryosong indibidwal. Pero alam mo sa puso mo  na sa bandang kanan o kaliwa man ay nand’yan pa rin ang pagkabata mo.  Kapag nakakakita ka ng laruan, wala sa gaano kahirap o kasing layo ng Divisoria mo ito nabili, kundi gaano ka natutuwa kapag nakakatanggap o nakakapagbigay ka nito. Hindi importante kung gaano katagal ang buhay ng laruan sa piling mo kundi gaano na lamang ang kasiyahan na pinanghawakan mo kahit ilang saglit lang. Sa madaling sabi, wala lang masaya ka lang na parang bata. Burado na ang ibang isyu.”

Patalastas

Pag-uwi ko ng bahay, hindi ko rin napigilan na ‘di bigyan ng laruang panulat ang dalawang pamangkin ko. Kakatuwa lang dahil pinili ng isa kong pamangkin iyong kahel at ube na gustong-gusto ko. Buti na lang bumili ako ng pulseras na may nakalagay ng pangalan ko kaya ‘di na ako nagdalawang-isip ibigay na lang sa kanya iyon.

 

Ang post na ito ay ang aking lahok sa Saranggola blog awards 3 para sa kategoryang Blog. 



About Hitokirihoshi

Slasher Star: passionate Content Creator, grade 1 Digital Marketer, on-the-go Filipina, progressive Technopreneur, frugal Traveler, nurtured Cinephile, Music lover, abstract Crafter, Digital Nomad, Millennial Baby, Multipotentialite, and Yuccie?

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

23 thoughts on “Ang Bata ko sa Divisoria