May nakita akong repost ng isang survey sa Facebook na tungkol sa sakaling palitan ng pagtuturo ng Korean language ang Filipino. Sumagot ako kaagad na ni hindi ito black swan dahil ang labo talagang ganun. Tapos nagsaliksik na ako kung may bahid ng katotohanan ang ideya na ito. Hanggang sa nakita ko na totoong (hindi fake) news stories tungkol sa pagtuturo ng Korean language at sa memorandum ng pag-aalis ng Filipino, Panitikan, at Philippine Constitution. Binura ko ang komento ko doon sa comment (‘di naman ako mali pala), dahil dito ko ibobongga ang aking sentimiento sa usapin na ito.
“Memorandum Order No. 20, series of 2013 also known as the “General Education Curriculum Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies,” which excluded the study of Filipino, Panitikan, and the Philippine Constitution as core subjects…” an excerpt of press release and first part of CHED’s series of tweets
Paunawa: Kinikilala ko ang desisyon ng Commission of Higher Education. Ang post na ito ay hindi pagkundena sa kung bakit nila naisip ang Memorandum Order, series of 2013. Una ay hindi ko naman naabutan ang K12 at wala pa akong natanong na nasa Grade 11 to 12.
Ang post na ito ay sagot kung bakit mahalagang matutuhan ang Fililipino, Panitikan at Philippine Constitution base sa aking personal na karanasan, obserbasyon sa ating lipunan, at opinyon bilang Filipina. Sisimulan ko ito sa pinakahindi masyado pinapansin sa tatlo- ang Philippine Constitution.
Bakit kailangan matutuhan ang Philippine Constitution?
Sa isang bagsakan — kailangan may alam sa Saligang Batas ng Pilipinas o Philippine Constitution ang bawat Pinoy/mag-aaral para alam nila ang kanilang karapatan. Katunayan maging iyong mga magaling lumusot ay bihasa sa batas. Aber, paano no malalaman ang halaga at saysay nito sa iyo ang isang bagay kung ‘di ka maalam dito? May teorya nga ako na marami ang nasa mga political rally dahil sa opinyon ng kanilang lider, at hindi dahil alam nila ang kanilang karapatan at mismong ipinaglalaban.
Para iboto ang dapat na lider ng ‘Pinas
Sa botohan pa lang ay hindi alam ng botante kung ano ang responsibilidad ng ibinoboto nila. Halimbawa sa Senado at Kongreso, ideally dapat otomatikong may alam sa batas ang tatakbo at ihahalal. Eh, para saan ba’t tinawag na mambabatas ‘yan? Ang mga kongresista at senador ang magpapanukala ng batas, magpapasa o nagbabagsak nito. Katunayan ay may mga batas mismo na walang saysay at may mga mambabatas na ‘di dapat tawaging mambatas. Aaminin ko sa lahat ng senador na naabutan ko sina Sen. Miriam Santiago at Sen. Juan Flavier lang ako napahanga so far. But Sana naabutan ko sina Jovito Salonga at Claro M. Recto.
Ang suggestion ko ay dapat isali sa credential sa isang tatakbo ang magkaroon ng at least six months na pag-aaraal ng public administration at political science bago paupuin ( o meron na?). Importante ito mula mula city councilor hangang sa pinakamataas na posisyon. Tataya ako marami ang hindi nakakaalam kung ano ang ginagawa ng city councilor, mayor, at governor (botante at kandidato). Maliban sa hingian sila ng pera for solicitation. Paano nama-manage ang isang bayan kung gabion? At biruin mo, pasweldo ng bayan pero niloloko pa ito? Isa ang Pilipinas na instead na tingnan na public servant o leader ang isang politiko, sya ay animo’y padrino at makapapangyarihan nilalang.
Para hindi ka abusuhin (sa anumang aspeto)
Mayroon pinagkaiba ang martir sa katangahan, pero puwedeng magpakamartir at magpakatanga dahil sa kaignorantehan… sa batas. Hindi ko na idedetalye ang
- Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act
- Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004“
Pero doon ako sa isang interesanteng topic, sa akin, ang Financial Abuse or Economic abuse na puwedeng mangyari kahit sa magkasintahan pa lang o mag-asawa na, at sa asawang lalaki o babae. Puwedeng mangyari ito lalo na kung hindi ka maalam sa prenuptial agreement, conjugal property, at liability bilang co-maker. Itong Financial Abuse ay hindi ka naman sinaktan physically pero inabuso ka mentally at psychologically dahil pinaralisa ka pagdating sa pera. Isa na nga rito ay ‘yong nalulubog sa utang tapos, dahil ikaw ang co-maker/ guarantor.
Halimbawa sa magsyota, na ang isa ay OFW, papirmahin si pobreng OFW bilang co-maker para sa loan na hindi naman mababayaran ni boyfie. Puwede rin inasawa tapos lahat ng property nito (kasama na ang credit and bank account) ay pakikinabangan n’yang mag-isa. Ang hindi rin pagbibigay ng sustento sa anak at pagbabawal na nagtrabaho ( para may kapasidas kang kumita) ay masasabing financial abuse.
Mas matutulungan mo ang iyong pamilya, ekonomiya
Kung ‘di ka naaabuso at alam mo ang iyong karapatan, eddie mas palaban ka sa buhay. Isa sa importanteng bahagi ng Philippine Constitution para sa akin ay Article III o Bill of Rights dahil narito ang karapatan ng bawat mamayang Filipino (kasama na ang pagiging manggagawa). Siempre, mahalaga rin ang Family Code dahil narito ang kasal, usapang mag-asawa (kasama na ang financial assets and liabilities), at mga anak.
Paanong makakatulong sa personal na pananalapi, karera, at kabuhayan mo ang kaalaman mo sa batas? Magandang simulan natin sa pagbabayad ng buwis na malaking kaltas sa iyong sweldo o kita. Who knows maaaring puwede ka naman pa lang ma-exempt at maka-discount? Kung alam mo eddie i-apply mo. Basa ka sa comment section ng posts ko about Mayor’s Permit at BIR Business Registration, makakakuha ka ng ideya kung paanong nakakaloka kung wala kang alam sa batas at kalakaran.
Ang mga ito ay ilan lang sa naiisip ko agad, pero siempre marami pang benepisyo ang pag-aaral ng Philippine Constitution. Sa pagkakaalala ko ay mas napag-aralan ko ito noong college dahil may two sems ako mag-aral ng political science. Naging interesado rin ako lalo nang makabasa ako ng mga pang-aapi sa mga nobelang pam-Panitikan (ex. Mga ibong mandaragit ni Amado Hernandez)
Bakit kailangan pag-aralan ang Panitikan o Philippine Literature?
Nagtanong ako sa isang Facebook group chat ng mga Grade 9 student, kung bakit mahalaga ang panitikan? Anu-anong bagay ang naalala nila tungkol dito? Ito man ay fiction, non-fiction, writer, at iba pa ay ayos lang na basahin. Makaraan ang 30 minuto ay dalawa lamang ang sumagot mula sa 43 estudyante na naroon. Simple ang sagot ng 2>> para may matutuhan na magandang aral. Tama naman ang kanilang mga sagot. Ang sa akin lang ay baka may mas mailalalim pa.
Nakatulong sa aking pang-unawa ang panayam ko noon kay Dr. Galileo Zafra para sa Bayanihan Project ng NCCA. Ayon sa kanya ay maraming mag-aaral ang limitado ang kaalaman sa Panitikan gaya ng mito at epiko. Oo nga ano, kung tatanungin natin ang ating sarili ay ano bang alam natin sa Philippine Literature? Anu-anong kwento, nobela, at klase ng manunulat mayroon tayo? Anong silbi nila sa ating modernong pamumuhay? Dagdag pa nga ni Dr. Zafra ay tila hanggang kina Maria Clara o mga nobela lang ni Dr. Jose Rizal (Noli Me Tangere at El Filibusterismo) ang nalalaman ng maraming estudyante.
Kung ako ang tatanungin, mahalaga ang pag-aaral ng panitikan dahil ang nakapaloob dito ay sining, salamin ng ating lipunan, at kung paano natin panghahawakan ang ating mga sarili (ngayon, bukas, at magpakailanman). Kung babalikan ko ang aking mas bata-batang bersyon, gumon ako noon sa anime, Mitolohiya ng mga Griyego, at ang tangi kong paboritong nobela ay “Little Women” ni Louisa May Alcott. May mali? Aba’y walang mali, pero may malaking kulang at pagkakaiba.
Ang naa-appreciate ko ay kultura lang ng iba, at nag-iiba ang pagtingin ko sa mga kapwa ko Pilipino dahil sa pagkukumpara. Ipinapasok ko sa aking kokote ang sining, kaisipan, kwento, at salamin ng buhay ng ibang lahi bago ko pa man makilala ko kung sino ako at ang aking pagka-Pinoy. Kung kakaiba sa mga pangyayari sa paligid ko iyong ipinapasok kong imahe, hindi ba’t nakaka- confuse? Nanaisin ko manirahan sa ma-snow na lugar, hindi dahil masaya at kaya ko talaga ( aircon pa lang nilalamig na ako), kasi iyon ang ideya ng banyagang manunulat base sa kanyang paligid. Kung romantiko ang Japanese, American, Italian, French characters ay paano naman ang mga Pilipino?
Palagi nga akong nakakarinig ng mga katagang “kaya maraming nangangabit, nagiging tanga etc. dahil sa mga palabas na iyan sa telebisyon.” Magbasa kaya sila ng malaman nila na may iba pang klaseng Filipino writer at naiibang kwentong Pinoy. Iba rin kasi ang tabas ng kwento sa mga pocketbooks, komiks, pelikula, telebisyon, at mga makakapal na nobela.
Ang nagpabago ng pagtingin ko sa Panitikang Pilipino ay nang kusa kong basahin Ang Mga Ibong Mandaragit ni Amado Hernandez. Hindi ko iyon school assignment, kundi nagkataon na isa iyon sa ipinamigay na libro ng kapitbahay namin nang mamatay ang may-ari noon (asawa n’yang abogado.) Ang masaklap binanggit lang ang librong ito sa text books ko noong high school at college. Gusto ko pa naman magbida-bida sa recitation, kaso waley- hehehe!
Sa pagbasa ko ng Ang Mga Ibong Mandaragit ay naa-appreciate ko yung artistic expression ni Hernandez at maging ang kanyang pagka-Pilipino. Mahusay ang pagkakahalo ng kanyang imahinasyon sa makatotohanang mensahe na gusto n’yang iwan sa mambabasa. Kakatwa na una n’ya pala itong isinulat sa loob ng piitan at ito ang isa sa kauna-unahang socio-political novel tungkol sa sakit sa lipunan. Hindi pa ako buhay kahit noong mamatay na si Hernandez, isang aktibista, at hindi ko rin naabutan iyong mga hinalawan n’ya ng kwento sa totong buhay (agrarian problem). Pero naantig ako at napaiyak n’ya ako kasi nadama ko yung koneksyon ng pagka-Pilipino naming dalawa.
Maganda rin mabasa ang Gapo, Dekada ’70, at Bata-bata Paano ka Ginawa ni Lualhati Bautista. Sa ikalawang libro ( na may movie adaptation na pinagbibidahan ni Vilma Santos), nabuksan ang isipan ko na “eh ano kung magkaiba ang tatay ko sa tatay ng iba kong kapatid.” “Eh ano kung single mom ang nanay ko .” Eh ano kung sakaling anak ako sa labas.” Bawas na ba ang pagkatao o pagkababae ko (o ng Nanay ko) kung ganoon ang kwento ng buhay ko?
Teka , paano naman kaya natin maaarok at mararamdaman ang mga babasahin pam-Panitikan, na nakasulat pa man din sa malalim na Tagalog, kung ititigil na ang pagtuturo ng Filipino sa grade 11 and 12?
Alisin ang Filipino para maging globally competitive tayo?
Kamakailan ay nakasama ako sa isang Q & A portion tungkol sa isang lokal na paksa at dapat ang sagot namin ay sa wikang Filipino. Kung tutuusin ay sisiw ang paksa (wala naman tama o mali), pero nahihirapan ang karamihan sa mga kasama kong sumagot…kasi nga dapat Filipino. Ba’t kaya?
Foreign Language para sa Usapang Career
Naiintindihan ko na mahirap magkatha ng sanaysay o kahit simpleng talata na hindi English, lalo na para sa mga propesyonal. Ako man minsan ay gumagamit pa ng English to Filipino dictionary, iyan ay kahit sa Filipino naman ako sanay at komportable makipagtalastasan. Dama ko itong pag-a-adjust kasi sa pagtatrabaho ay unang salik para ikaw ay makapasok at maging epektibo para sa mga kompanya ay dapat magaling ka sa English.
Pero iyon nga iyon, usapang CAREER ‘yon eh. Para sa Career ka lang ba bumabangon? Sa akin hindi empleyo ang kabuuang aspeto ng ating pagka-Filipino. Kaya bakit sasanayin natin ang sarili natin na huwag magsalita ng Filipino? Walang problema kung magpakadalubhasa sa English ang marami sa atin, go! Pero iyong para umabot sa punto na hindi na makapagsalita ng Filipino, at lalo na iyong mangmata ka sa mamali-mali sa English- ay ewan!
Foreign language subjects
Mayroon nga pala akong foreign language class sa loob nang dalawang semester. Sumubok din akong mag-aral ng isa pang banyagang lengguwahe. Ang ending ay nakalimutan ko pareho, kahit mataas pa ang grado ko roon (siguro) sa una. Kung hindi mo talaga kasi ginagamit at magagamit ay makakalimutan mo rin. Parang sayang sa oras at panahon kung tutuusin, pero ayos lang naman sa akin dahil natuwa rin ako.
Subalit ganoon din ang kuro ko sa pagtuturo ng Korean language. Gusto kong matutuhan din iyon at ang iba’t ibang lengguwahe. Pero iyon din ang kahahantungan at katotohanan sa kahit sinong estudyante. Kapag wala kang paggagamitan palagi ay balewala ang foreign language. MALIBAN na lang kung ang lahat ng kumuha ng Korean language lesson ay magko-Korea, magtatrabaho sa isang Korean company, at magiging Korean translator.
Filipino sa Filipino gamit ang Filipino = Bonggang Pilipinas!
Para sa akin ay napakahalaga ng pagkakaroon ng pagkakakilanlan sa ating sariling wika, kultura, at katuturan bago tayo tumalon sa globalisasyon. May malalalim na mga bagay na importanteng malaman muna para epektibo at sigurado ang pa-unlad. Isa pa’y kahit anong aral mo sa English o sa anumang banyagang lengguwahe, nagsasalita ka bilang Filipino. There are things or words that you can not translate, but you can interpret o teach because you understand it fully well.
Sa diskarte sa buhay. Kung ako tatanungin para maging “street-smart” ka sa Metro Manila, dapat dalubhasa ka sa Filipino. Kasama na roon ang balbal (salitang kanto, gay lingo, jejemon, at usapang lasenggero). Ganyan din naman ang kailangan kung ikaw ay nasa ibang bansa, dapat alam mo ang colloquial language or phrases para maging mahayahay ang pamumuhay mo doon. Ayaw mong mabenta , di ba?
Sa business – para mapasok mo ang merkado (lalo na ang retail industry at multilevel marketing) ng masa ay dapat unang-una ay maunawain mo sila.
Sa office set-up o pakikipagrelasyon – Tataya ako na sa isang malalalang sigalot ng dalawag Filipino, ang isang ugat ay “miscommunication” dahil sa simpleng maling pagsasalin ng wika. Sige, halimbawa na kinilig ka, do you blush o feel giddy? Magkakaiba ang KILIG (walang kinikilig daw sa ibang lahi), pero halatang may nag-blush at napa-giddy.
Sa information dissemination. Sa totoo lang din sa aking pagba-blog sa Filipino ay halos isalin ko lang ang mga nababasa, natutuhan at napanood ko sa ating wika. Pero base sa komento at pagbabahagi ng iba sa aking blogpost ay iyon lang pala ang kailangan nila (lalo na ang mga OFWs/ Estudyante) para maunawaan ang bagay tungkol sa batas, career, personal finance, pagkuha ng business permit, stock market, sociology, aralin panlipunan, health, art, at iba pang paksa. Ito yung mga usapin na makakapagpabago sana ng buhay. Pero dahil hindi maarok sa wikang banyaga at terminong malalim ay pinapasubalian na lamang.
Alam kong marami pang rason kung bakit importanteng matutuhan ang Filipino hanggang college o matapos tayong mag-aral. Ang Filipino sa lengguwaheng buhay na buhay kaya iiwan ko na ito sa ibang pro at anti.
ito nga pala ang blog post ko kung >>> bakit naiiba at kahanga-hanga ang wikang Filipino
Narito naman ang Filipino words na mahahanap mo sa diksyunaryo:
Oxford – Suki, Tabo, Bahala Na, Kikay, Pulutan, Barkada, KKB, kilig, teleserye
Macmillan Dictionary – Ito naman ang mga nahanap kong words sa isa sa paboritong dictionary ( tagged as Philippine English ) – balikbayan, balikbayan box, presidentiable, barangay, sari-sari store, pasalubong, at utang na loob
Kung tanggap ang mga salitang ‘yan sa mga diksyunaryo, anong implikasyon n’yan? Hindi natin dapat ikahiya kung sino tayo, at anong mayroon sa ating Filipino.
Rekomendado kong basahin din ang Malictionary ng namayapang writer at actor na si Ernie Zarate.