Kakaiba sa ibang trip ko sa Batangas, talagang nagsimba lang kami sa National Shrine and Parish of Saint Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas this time. Ang akala ko na mahabang viaje at buong araw na gala. Kaya pala ito ng ilang oras lamang. Ito na rin bale ang ikalawang simbahan na napuntahan ko sa Batangas at simbahan na dedicated kay Saint Padre Pio.
Anong mayroon sa National Shrine and Parish of Saint Padre Pio?
Ang nag-aya sa akin dito ay ate ko na may kaarawan. May kaibigan s’ya na nagrekomenda nito dahil marami na raw sa kahilingan n’ya ang natupad. Napag-usapan din siguro nila ito noong nag-Visita Iglesia sila sa Saint Padre Pio Chapel sa Eastwood, Quezon City.

Iyon din ang unang simbahan na narating ko na may kinalaman kay Padre Pio ng Pietrelcina, Italy. Nandoon ako madalas lalo na noong nagwo-work pa ako sa Eastwood. Maganda at napaka-solemn din naman kasi sa simbahan na iyon, bukod pa sa mga patotoo sa akin ng mga kaibigan ko tungkol sa simbahan. Ang nanay ko rin na na-mild stroke ay naisisimba ko roon at sa ngayon naman ay naka-recover na s’ya.

Kaya, na-excite ako sumama dahil kay Padre Pio at sa simbahan n’ya sa Eastwood. Pagdating din sa architecture at ambiance ay mayroon kasi akong certain expectation sa mga simbahan sa probinsya. Ito ay kung ‘di historical at magara, ay talagang extra-ordinary. By the way, ang una kong napuntahan na simbahan sa Batangas ay ang Taal Church o Basilica of St. Martin of Tours. Ito ang pinakamalaking simbahang Katolika sa Pilipinas at buong Asya. Isa rin ito sa must-visit places sa Batangas.
Paano pumunta sa National Shrine at Parish of St. Padre Pio?

Sa pagkakaalam ng ate ko ay may viaje papunta rito ang Jam Liner (Kamuning or Taft). Sa nabasa ko sa travel story sa Lazy Pen ay mayroon din sa Jac Liner, DLTB, at Lucena Lines. Pero sa Jam Liner na kami sumakay dahil convenient sa amin. Tama rin si Lazy Pen na mura lang per passenger ang bus fare at ang best time ay bago mag-4 AM ay nasa terminal na.
More or less ay two-hour lamang ang aming viaje at madali itong matunton. Kung sa Jam Liner ka, papuntang Lucena/Calabarzon ang sakyanm mo. Pero para sure syempre ay magtanong sa driver o conductor sa area.
Kung nasa Sto. Tomas, Batangas na ka na ang landmark ay Jollibee na may katapat na mini palengke. Pagkababa sa San Pedro (eksaktong lugar) ay sasakay sa trike papasok.
Sa Saint Padre Pio National Shrine …

Malawak ang vicinity proper ng Saint Padre Pio National Shrine. Hindi ko alam alin ang eksaktong pinakamalawak, pero sa mga napuntahan ko so far ay maihahambing ito sa lawak ng Manaog Church (Pangasinan) at Our Lady of Lourdes Grotto sa San Jose del Monte, Bulacan.
May dalawa o tatlong mala-dome and clam shell-style churches dito na nagpapaalala sa akin sa Sto. Nino de Paz sa Greenbelt, Makati at Parish of Holy Sacrifice sa U.P.Diliman. Pero unlike sa dalawa ay hindi naman ito ganoon ka-circular na puwede ka pumasok sa kahit anong direksyon. Pero tila mas native ang mga ginamit na materyales dito.
Sa Divine Mercy chapel kami dito nakadalo ng misa. Every misa ata ay ibang venue ang ginagamit like after sa Divine Mercy, ang next na misa ay ginanap na sa Jubilee of Mercy Church na. Sa loob ng Divine Mercy ay mahangin at maliwanag ang paligid na halos walang wall maliban sa kung ano ang nasa altar side.


Masusulit din ang pagdayo rito dahil sa iba’t ibang tampok na bahagi gaya ng Holy Water Sanctuary, Fountain of Hope, Relic of the Holy Cross at iba pa.

Mother of Mercy Belfry,


Kasama rin dito ang sindihan ng mga kandila at souvenir shops. Samantala, may mga ginagawa pang istraktura at baka mayroon pa kaming hindi napuntahan pero itong mga nabanggit ko ay talagang mga atraksyon.

Sanktuaryo ng Banal na tubig. Isa sa na-excite akong puntahan ay ang Holy Water Sanctuary, nabasa ko sa blog ni Blue Dreamer 27 na may jars ng holy water rito as in sagana. Sa ilang simbahan na napuntahan ko talagang pipila ka para sa Holy Water. Dito kahit ilang salukin mo ay okay (pero ‘wag ka namang mag-igib). Hindi ako sure kung pwede nga inumin ang nasa jars pero may nakikita akong umiinom.

Magara rin sa disenyo sa Sanctuary na ito, na isang focal point sa buong lugar. Nandito ang higanteng rebulto ni Padre Pio na nakaupo. Iyong upuan n’ya ay nakapatong sa bukal ng tubig at wishing well. Ang nakikita ko naman rito ay hinihilamos na ng mga tao ang tubig. Join the club naman ang peg namin, hohoho!
Bukal ng Pag-asa. Mayroon din itong lugar na kung tawagin ay Fountain of Hope o Bukal ng Pag-asa. Ang sentro nito ay ang higanteng rebulto ni Padre Pio at ni Hesus. Nakapako ang isang kamay ni Hesus at habang isa naman ay nakahawak sa likod ng nakatingalang si Padre Pio.


May umaagos na tubig sa paligid ng mga rebulto. Pero ang agaw-pansin sa bahaging ito ay ang hilera ng mga panyong nakatali. Noong una ay hindi ko mawari kung anong meron dito. Noong nakita ko na ang prayer sa pagla-lock ay kuha ko na. Iyong iba hindi kandado ang nilagay kundi panyo, bandana, o balabal.
Prayer candles. Sa Padre Pio National Shrine ay may 8 kulay na kandila
Brown candle- for Thanksgiving, anniversary, at kaarawan
Green candle- Good health
Blue candle – Job, travel, at exam
Yellow candle – materials and financial blessings
Orange candle – family and friends
Pink candle – love and having a baby
Violet candle – forgiveness and reconciliation

Red candle – Life Crisis
Tandaan na hindi pare-pareho ang sinisimbulo ng kulay ng kandila sa mga simbahan. Ang orange sa pagkakaalam ko sa Monasterio De Santa Clara ay business at financial, habang ang green sa St. Peter Shrine (Commonwealth) ay abundance of wealth. Sa ibang church din ay tinanggal na ang kulay, sa St. Jude Shrine (Mendiola, Manila) ay white and red (o maroon) na lang.

Important notes:
September ang anibersaryo ng National Shrine of Saint Padre Pio. Noong October 2018 ay dinala rito ang kanyang hindi pa naaagnas na puso. Iyon ay sa kabila na September 23, 1968 pa s’ya namatay. Sa Maynila, idinaos ang veneration sa Heart Relic ni Padre Pio sa Manila Cathedral at UST Church.
