Ilang araw na may public veneration ang incorrupt heart relic ni Padre Pio o Saint Padre Pio of Pietrelcina. Dadalhin ito sa Batangas, Manila, Cebu, at Davao at maglalagi sa loob ng 21 araw sa Pilipinas. Sa Manila ay dalawa pinagdalhan nito, UST Church o University of Santo Tomas’s Santisimo Rosario Parish at Manila Cathedral. Dito kami sa huli nagpunta ng Nanay ko na nasa loob ng Intramuros.
Dahil gamay ko ang partikular na area na iyon ng Intramuros sa kaka-photowalk, ganap sa NCCA, at personal kong mga lakad nito ay madali na sa akin puntahan na ito. Narito ang heart relic ni Saint Padre Pio mula October 9 hanggang October 11 lamang ng umaga. Kung first time mo sa Manila Cathedral, ang the best way para makapunta rito ay sumakay ng jeep/ SUV pa-Quiapo Pier dadaan ito talaga sa tapat ng simbahan. Ito ay lalo na kung mangagaling sa Quezon City at bandang CaMaNaVa.
Journey to Heart Relic ni Saint Padre Pio
Bandang 2:30 pm nang magsimula kami pumila, na ‘yong naabutan namin ay hindi nalalayo sa tapat ng Manila Times office. Ganitong oras kasi pang-midshift ako hula ko sa umaga ay aabutin kami ng tanghali at cannot be si Nanay. Ayaw din naman n’ya yung magpanggabi o madaling araw, siempre.
So handa naman ang Hoshi sa patubig, pamaypay, pantawid gutom, at payong. Pero sa buhay talaga hindi mo alam kung handa ka talaga…sa malakas na ulan. Dahil inaalala ko bag at si nanay, buwis basa talaga ang aking seksi back at patay na mga kuko. Hindi naman nagtagal ang malakas na ulan pero, pero pa-ambon ng may lagpas isang oras.
Ako nakundisyon ko na sarili ko na sa buhay ay may ma itinatayo at nilalakad ka nang matagal, pero ang hindi ko matanggap at maintindihan ay mga singit Ate Charo at Ate Jevs. Nai-inspire ka na makita na walang bata o matanda sa pila, pero nakakabuwisit talaga ang mga singit. Gusto ko i-rant pa yung mag-asawa na sumingit bigla, nagpatay malisya kunwari, at galit pa ng sinita at ‘yong apat na tao na bumuluga noong mabilis ang lakaran …pero hindi na ko na gagawin Ate Charo at Ate Jevs. Masisira ang masaya kong narrative about sa veneration of Padre Pio’s heart relic.
Sa haba ng pila na hindi ko na alam kung kayang tapatan ang layers sa small and large intestine ay lagpas 6:30 pm na kami nakapasok finally sa loob ng Manila Cathedral.
Sa loob ng Manila Cathedral
Nabanggit ko na ilang beses na ako napadpad sa Intramuros at paligid ng simbahan na ito, pero dahil sa public veneration ng heart relic ni Saint Padre Pio ay iyon ang first time in a long time na makapasok ako ulit sa loob ng Manila Cathedral. Ito rin ang first ever moment na nakalapit ako talaga sa altar. Sa pagkakaalala ko kasi ay noong nag-Visita Iglesia kami rito ni Syngkit at may mass so nakakahiya naman pumunta sa unahan, nung next chance ay sarado at ginagawa, at nung Visita Iglesia kami last year ng ate ko (hindi ikaw Ate Jevs) at friend ay may mass ulit.
FYI about Manila Cathedral
- air conditioned ito so hindi puwede labas masok ka lang ( ito lang ata at UST Church ang napuntahan kong de-aircon)
- isa ito sa favorite wedding church kaya ‘pag napadpad ako rito either may misa o kinakasal
- dito ko una nakita ang art na pieta
- Romanesque-Byzantine ang architecture style
- Ang orihinal na istraktura nito ay tinayo raw nong 1571
Going back to interior of this Church inside Intramuros (like San Agustin Church) ay ang aliwalas nito. Medyo nag-e-expect ako na marami paintings sa ceiling at murals pero hindi. Medyo plain pa nga, gayon din ang altar at yung pang choir area. Pero kapansin-pansin dito yung detailed design sa mga arches, vault, at gilid . Para akong nakakita ng margin sa papel na Romanesque style. Plain concrete gray lang ang mga yun pero highlight na talaga lalo nat itabi sa white painting. Nag-blend din sa color combo na ito ang steel silver sa itaas o kung nasaan ang choir na katapat ng altar side.
Kung hindi man sa mural at painting, may sculptors and images naman ang Manila Cathedral na makikita sa designated area nito sa bawat gilid especially sa left side if you face the altar.
Naaliw din ako sa floor design na makulay naman. Pero hindi ko na kinuhanan at tinambayan ng pansin masyado kasi nga maraming nakaapak na nakapila (palayasin ko ba? Siempre hindi). Siguro pagbalik ko rito ay ito, ang dome, at ibang detalye ng Cathedral ang i-art appreciation ko. By the way, may something din pintuan ng church na ito. May mga ukit pero hindi ito kasing arte gaya sa San Agustin, Paoay Church o ibang church wooden doors na nakita ko. Ang aura talaga ng Manila Cathedral ay simple and regal e.
Back to pila para sa Padre Pio’s heart relic
Pagkapasok sa loob ng Manila Cathedral ay may pila pa rin pero yung ikot ay parang looong letter Z (imagine-in mo na lang) na ang mid section ay aisle facing yung choir area. Ang relic ng puso ni Saint Padre Pio ay nasa unahang espesyal na area/ room sa gilid ( near altar)
Iyung heart relic ni Padre Pio ay of course protected ng glass at isa pang lalagyan na parang grail. Mabilis lang ang chance na mahawakan yun kasi minamadali na ang mga taong nagdaraan so i suggest kung may dasal o hiling ka, simulan mo na the moment na matanaw mo ito sa malayo o bago pumasok sa room na sinasabi ko para pagkahaplos mo yun na ang Amen part. Ba’t may ganitong suggestion? Ang hugot ko ay na-overwhelm ako nung nandoon na ako na wala akong nagawa kundi tingnan at hawakan saglit. Bawal din daw kunan ng photo although mayroon pa ring gumagawa. hehehe. Kaya mablis na ang pangyayari as in baka one to two minutes lang ata, then exit na sa gilid ng Cathedral.
Pagkauwi namin ay may na-meet ako na nagsabi na isang pila, siya pumili at mas mabilis doon kasi 2:30 kami at 4:00 lang s’ya pero halos sabay kami lumabas.
Why go to public veneration of Saint Padre Pio’s heart relic?
Nasabi ko na sa old post ko yung kwento ko about Padre Pio at sa mga churches na ito na napuntahin namin:
Saint Padre Pio Church in Libis, Eastwood Quezon City
National Shrine of Saint Padre Pio in Sto. Tomas Batangas
Ang kukuwento ko na lang ay yung mga nakilala ko na kuwento about sa kanya, sa Veneration o hindi.
- dalawa kaibigan ko ang may magulang na may sakit na dinadala nila roon. isa sa kanila na ang nanay ay may cancer ang actually ang nagpakilala sa akin kay Padre Pio at church nito sa Libis.
- ex OFW friend ng ate ko na nagkasakit at may mga hiling na natupad daw noong nagdasal sila sa National Shrine of Saint Padre Pio sa Batangas.
- taxi driver with kidney problem… mga one week after mag-visit kami sa Padre Pio church sa Sto. Tomas Batangas ay may nasakyan akong taxi na si Manong driver ay nagsabi sa akin na “kinakilabutan ako.” Hindi ko na maalala pero napadpad kami sa kwento n’ya (baka dahil sa suot kong pulseras from that church) tungkol kay Padre Pio. Ang sabi n’ya ay na-diagnose s’yang may malaking bato sa kidney kaya need s’yang maoperahan. Tapos kakabyahe ay napadpad sya sa Padre Pio Chuch sa Libis, ang dalangin lang daw n’ya ay parang “kayo na po bahala mahirap lang kami.” Nung time na bumalik na s’ya para sa ipa-check ulit yung second results ng medical n’ya ang sabi daw ng doktor ay ‘di naman pala malaki ang bato. Hindi s’ya ooperahan at makukuha naman sa gamutan lang.
- Si Lola. Iyung nakasama at nakilala namin sa pila na si Ate Rowena Leyson ay ipinagpasalamat kay Padre Pio ang pagpabuti ng sakit sa balakang at buto ng kanyang ina. Actually kasama n’ya ito (edad 77) at ang kanyang Tatay sa pila.
- Ipinagdasal kay Padre Pio sa California. Iyung isang nakausap ko at s’yang nagbigay sa akin ng kuha n’ya sa heart relic ni Padre Pio ay nagkasakit pala nang matindi.Ang sabi nya ang mga kapatid daw n’ya sa California ang nag-push sa kanyang pumunta, Sabi daw nila ay masuwerte ang Pilipinas na daanan ito ng heart relic at dapat si Ate Leila magpasalamat kay Padre Pio dahil dito raw lumapit ang kanyang mga kapatid sa California noong ma-diagnose na may malala s’yang sakit (cancer ata).
So hayun, ito ang first time ko na pumila para sa ganito at sa isang relic. At ang nasabi ko rin habang nakapila at kausap si Ate Rowena ay in general…
Kayang i-motivate ng paniniwala ang mga Pilipino.