Sa lahat ng movie sa Metro Manila Film Festival ang Write About Love ang napagdesisyunan kong first na panoorin. Isinaglit ko pang panooring itong movie nina Miles Ocampo, Rocco Nacino, Joem Bascon, at Yeng Constantino dahil working holiday ang real drama ko ngayon.
So without further (more) ado ay narito ang aking movie review ng Write About Love na directed and co-written by Crisanto Aquino and produced by TBA Studios. Sasamahan ko ito ng reflection at siempre iba pang tsika ( mawawala ba yon?).
Write About Love produced by TBA Studio
May pagka movie nerd este buff ata ang reason ko ng panonood ng rom-com movie na ito. Iyan ay dahil kasi ang Write About Love ay produced ng TBA Studios. Hindi man lang sa story, artista, o dahil libre, di ba?
If you don’t know, TBA Studios din ang producer ng Heneral Luna (epic film about sa mustache ni Antonio Luna) at Goyo: Ang Batang Heneral (Kwento ng photo op buhay ni Gen. Gregorio del Pilar). Gaya ng dahilan ko ng panonood ng Goyo ay solve kasi ako sa pagkakagawa ng Heneral Luna ng TBA. At ibig kong sabihin ng solve ay gusto ko ang paraan ng paglalahad ng istorya o screenplay, pagpili ng cast (yung pinili dahil bagay sa character), musika, cinematography at iba pang trip ko sa movie. Para bang may impression na ako na ‘pag produced ng TBA Studios ay ganito ang quality at standards. Same din naman sa Ten17P ni Paul Soriano at Unitel Pictures International noon . Ang alam ko basta TBA ay kay Jerold Tarog, director din ng Heneral Luna at Goyo, ganoon din ng paparating na Darna movie ng Star Cinema (na pinagbibidahan ni Jane de Leon). Pero itong Write about Love ay ‘di niya isinulat o idinirek, kung tama ang alala ko sa end credit ay s’ya ang namahala sa musical score.
Ang Unitel Pictures International ang film outfit na nag-produce ng Santa Santita (starring Jericho Rosales at Angelica Panganiban) Crying Ladies (Sharon Cuneta, Angel Aquino at Hilda Koronel) at La Visa Loca (Robin Padilla). Ang Ten17P ni Paul Soriano ang may gawa ng Dukot n Enrique Gil, Kid Kulafu na tungkol sa kabataan ni Sen. Manny Pacquiao)
I realize na hinayaan kong i-surprise, i-prove o i-excite ako ng Write About Love at TBA Studios kasi kung sa plot parang predictable na s’ya. Ang bago lang din pati ay hindi tungkol sa bayani o sagupaan ang movie kundi romcom. Hindi rin masyadong maraming tauhan o may makalumang pormahan. Napaisip na rin ako nung una kung okay ba si Jerold Tarog sa ganitong genre. Pero deadma, ni hindi nga ako nag-double check kung s’ya ang director basta ang nasa isip ko ay gawang TBA Studios ‘to. Kung usapang filmmaking ay may tatak TBA itong film ni Crisanto Aquino kung usapang casting at cinematography.
Cast ng Write About Love
Ang nakakatuwa sa casting ng movie ay (parang) in real life sa pakiwari ko ay hindi talaga sila magkakakilala. Napagsama-sama sila dahil naisip ng casting director na bagay sila sa mga characters. Check nga natin:
Yeng Constantino as Joyce. Sa cast ng movie ay pinaka-excited akong makita si Yeng Constantino. Ito ang first time na mapapanood ko s’yang umarte. Siyempre sanay akong kumakanta s’ya at personally, gusto ko s’ya sa larangan ng musika dahil isa s’yang ang singer-songwriter at magaganda ang kanyang mga katha.
Bilang actress, na-amaze ako. Kasi ang natural ng delivery n’ya ng mga dialogue—akala mo ay siya lang talaga si Joyce. Nakakagulat din na wala s’yang kyeme na kumandong at humalik kay Joem Bascon. At nasasabayan n’ya sina Joem at Felix Roco (kung tama ako—dahil may kambal s’ya) na parehong sanay sa pag-arte, lalo na sa independent film. Ang naiisip ko lang dito kay Joyce ay parang nasa utak na ng scriptwriters (Crisanto at Janyx Regalo) na si Yeng Constantino ang gaganap dito. Parang hinulma para sa kanya.
Sa akin, magaling na si Yeng, siguro lang ay puwede pa n’ya i-improve ang galing n’ya para sa crying scenes kasi may mga parts na parang pilit. Pero overall okay na okay talaga ang performance n’ya, deserved nya ang best supporting actress award from MMFF.
Joem Bascon as Marco. Well marami-rami na rin ata akong napanood na acting pieces ni Joem. Dito sa Write About Love ay muli n’yang napatunayan ang kanyang galing at pagiging versatile actor n’ya. Ibang-iba si Marco sa kontrabida role niya sa Starla, sa pagbibida n’ya sa Pusong Ligaw, pagiging sidekick sa Heneral Luna, at pang bait-baitan niya sa Siphayo. Mapapanood na binigyan talaga n’ya ng buhay ang katauhan ni Marco na dyowa ni Joyce na kapwa n’ya fiction characters sa movie nina female writer at male writer. Congrats Joem, kaya pala in-demand actor ito.
Rocco Nacino as Male Writer. Habang pinapanood ko si Rocco, doon ko lang napansin na cute pala s’ya at magaling palang siyang umarte. Napanood ko s’ya before sa Encantadia (Requel) pero medyo madami sila roon at yung character n’ya so minimal lang din yung exposure. O talagang hindi pa s’ya magaling doon at sa iba ko pang napanood na project n’ya. Dito sa movie papasa siyang mentor friend dahil sa kanyang acting. Parang masarap na barkada at interesanteng tao ( additional point dito ang physical look n’ya).
Iyong mata n’ya kahit medyo singkit ay nangungusap. Doon sa mga part na halos mata n’ya lang ang nakikita ay naipapakita n’ya ang emosyon ni Male Writer. Hindi lang siguro pang award ang mismong character n’ya… kaya wala ring award, hehehe. Pero naipadama naman n’ya ang kanyang role. Tuloy n’ya lang siguro ang paggawa ng mga pelikula na gaya nito para mas lumawak pa ang kanyang market. Magaling na, at feeling ko may igagaling pa.
Miles Ocampo as Female Writer. May trivia ako kay Miles Ocampo, dalawang beses ko na s’yang nakita in person. Una ay sa SM Megamall at may business ata sila roon, bata pa noon at siya mismo ang nagbibigay ng free taste. Then sa UP Diliman, kung saan nakita ko s’yang pumipila para sa workshop ni Ricky Lee. What a coincidence na sa film na ito ay pinag-usapan nila ang Trip To Quiapo book ni Lee na tungkol sa scriptwriting. At ang unang serye ni Miles ay Mangarap Ka (starring Piolo Pascual and Angelica Panganiban) na kinunan sa Quiapo. (tingnan mo nga naman napagkabit-kabit ko).
As “female writer” mas dama ko yung pagiging batang writer n’ya kesa passionate one. Iyong idealistic, pero willing to learn and to compromise. May hesitation pero go lang din ng go. Dalawa ang favorite kong scene n’ya – yung sa tuktok ng bundok somewhere ng Sagada at kinumpronta n’ya ang tatay n’ya. Ang galing-galing n’ya sa dalawang eksena na ‘yan. Yung una parang gugustuhin mo na ring umakyat sa Sagada kasi nadama mo iyong saya n’ya ( lalo na sa ‘pag sigaw ng “Sige Pa, Gusto ko pa”… “Go, More”). Yung pangalawa, ang ganda ng bitaw n’ya ng dialogues na subtle pero kuha mo iyong angst n’ya. Natural na ibinato. Hindi sumigaw o nag-breakdown pero naghuhumiyaw sa mensahe.
At ang nakakatuwa sa pagkakagawa ng character n’ya at ni Rocco ay ‘di sila ginawang magkarelasyon. Parang may konting malisya, pero mas nag-focus ang love concern n’ya sa papa n’ya (played by Romnick Sarmenta).
Magaling din dito sina Felix ( sic) bilang Chad, Mosang bilang Tita Beth ni Female Writer, Harlene Bautista bilang ina ni Joyce, at iyong ina ni Miles rito.
Screenplay ni Crisanto Aquino at Janyx Regalo
Ang isang hesitation ko naman dito sa Write About Love ay mukha itong may predictable story. Ilang beses na ba akong nakapanood ng films na tungkol sa writer o scriptwriters, o filmmakers ang bida o about writing ang tema. Sa sinehan habang nanonood ako ay naisip ko Ang Babae sa Septic Tank at Walang Forever. Ganun din ng Para sa Hopeless Romantic. Then, kung ilalagay ko ang sarili ko sa ibang audience, mapapatanong ako na baka pang-writer lang ang story na ito. Iyong dalawang bida magkaka-inlaban, the end.
Hindi siya boring sa akin kasi baka cinephile ako or kahit papaano may alam ako sa scriptwriting, pero paano ang iba? Kaya bang gawing interesante ng pagkakalahad na hindi ito magmukang movie tutorial?
Good points. Ang very good sa screenplay nina Crisanto Aquino at Janyx Regalo ay gumitna ito. If you are into scriptwriting, makakuha ka ng marami-raming lessons. Gaya ng natutuhan kong Tatlong klase ng writer base sa kwento nila ng Trip to Quiapo ni Ricky Lee. Ganoon din iyong magdadag ng pain (twists) at hayaan ng writer/creator na mabuhay ang kanyang characters. Ako bilang moviegoer, gusto ko ang film na character driven kasi nawawala o nababawasan ang pagiging predictable ng story to the point na ikakagulat mo ang mga susunod na mangyayari as consequence or reaction dahil sa ginawa ni character.
Gusto ko rin ang mga dialogue gaya yung mula sa mama ni Female Writer—na ang love ang nagpu-push sa tao na magdesisyon. Iyong sinabi ni Female Writer sa Papa n’ya. At yung payo ni Male Writer kay Female Writer—“kung di ka takot masaktan, bakit takot kang magmahal?” May cheesy at waley din naman na parts pero mas sagana sa havey na hugot. Maganda pa naman ang palit-palit ng linya from fictional world nina Joyce at Marco to the real world nina Female Writer and Male Writer.
So-so good points. Doon naman sa hindi ko masyadong trip ay dalawa— una iyong ma-reference. Tipong gusto kong isipin na fan ni Antoinette Jadaone ( director ng Walang Forever at That Thing Called Pag-ibig) at Ricky Lee ang sumulat nito. Binanggit din dito ang formula between mainstream and independent film. Agree naman ako sa karamihan, pero parang paano kung hindi ko kilala sila o deadma ako sa kung sino man sila. Hindi ko sure. Medyo nakadagdag din na mas maging teknikal.
Iyong isa ay sa character…na-clarify naman in the last part, pero sa umpisa ay parang kulang sa passion si female writer? Oo, ipinapakita ang scriptwriting nila, kaya lang parang may kulang o hindi established. Para sa akin, parang nagtatrabaho lang sila kasi may chance at kailangan na i-beat na deadline, pero hindi ko madama ang passion ni Female Writer. Noong nakuwento na yung Wake Up, Princes doon na lang ako humugot ng rason —ah okay baka kaya ganoon pala.
Cinematography, direction, and Music
Cinematography– I love the shots sa sagada. Para akong dinala doon. Ganoon din naman sa park kung saan parati sina Joyce at Marco. Ang hindi ko lang trip ay mga kuha kapag indoor ang scene. Kapag nasa kuwarto ang eksena madalas ay shaky ang video. Tapos masyadong napadami ata ang closeup o malapitang kuha sa mukha ni Yeng. Hindi ko sinasabing ayaw ko sa mukha ni Yeng, pero napapaisip ako bakit kaya at parang ang dalas? May problema sa space? hindi makita ng emosyon ni Yeng?
Rate 3.5 /5
Music. Pamilyar ako sa 2 songs rito. Yung isa ay revival ni Yeng sa kantang unang pinasikat ni Jolina Magdangal. Yung isa pa nakalimutan ko na pero alam kong alam ko iyon. The rest ng songs na ginamit ay maganda pa rin naman. Na-maximize din talaga ang pagiging singer-songwriter ni Yeng–iyan ay kung siya ang nag-compose ng kanta para kay Marco.
Rate 4.5/5
Direction. Wala akong alam tungkol kay Direk Crisanto Aquino pero base sa kanyang IMDB profile ay marami na siyang nagawang film bilang 1st, 2nd unit or assistant director. So baka ito ang first film na sya mismo ang head director.
I think para sa movie na ito bilang director ay inilabas n’ya yung passion o mga opinyon niya sa filmmaking. Maganda, kasi nga naging informative ang film at na-direk n’ya nang mahusay ang mga actors. At dahil siya rin ang co-writer, masasabing no interpretation na as director kasi from script pa lang na-visualize na n’ya ang gagawin n’ya. At kung ganoon nga, I think hindi strength ni Direk ang technical aspect at mas actor-director s’ya. Iyan ay lalo na kung pag-uusapan ang mga shots at mga settings( di ko alam kung tama ako pero ang random ng mga setting at kulang sa design). Pero dahil mas matimbang sa akin ang acting at script dahil hindi naman ito sci-fi film…
Rate 4/5
Congrats sa cast and crew ng Write About Love. Nagustuhan ko ito dahil ang dami kong natutuhan at na-realize sa buhay. 😉