Napag-usapan namin ng ate ko, kasama ng kanyang anak, ang mga saving tips and techniques namin noong estudyante pa kami. Pero bago talaga ito ang paksa namin ay kung saan napunta ang aming first salary. Siyempre, inspired yun sa mga napagdaanan namin nung nag-aaral pa kami gaya ng pagtitipid.
Ang pagtitipid namin sa baon noon ay dala na rin ang aming estado. Single parent si Nanay at nagkataon ay palaging may 3-4 sa magkakapatid ang sabay-sabay na nagka-college (10 kami). Masuwerte pa nga ako kasi ako ang bunso. Kaya noong nag-college ako ay nakaluwag-luwag na rin kami. Ang bragging rights ko pa nga nung pagka-graduate ko ay may ipon akong Php 7K-10K mula sa baon ko lang (pinang-print ko lang ng resume lahat, charrot!).
So, ito na nga ang aking 7 Saving or Tipid Tips para sa mga estudyante:
- Matutong makisama at makipagkaibigan lalo na sa kapwa matipid (at sa galante rin). Una ay mahirap makatipid kung ang palagi mong kasama ay magastos. Hindi na n’ya masasaskyan ang laban mo sa buhay, baka ikaw pa ang tuksuhin at hilahin sa pagkagastador n’ya. Ako, I’m very vocal kung gaano ako kakuripot na nilalang kaya siguro nakakahanap ako ng mga kaklaseng kaibigan na matipid din. O kahit man lang marunong umintindi sa laban ko sa buhay.
May mga kaklase ako na lagi kong kahati na bumili ng foot long, pack ng tinapay o isang litro ng softdrinks, pamasahe sa tricycle, at kahit pa sa baong kanin at ulam. Pagdating naman sa galante, hindi iyan usapan ng pakapalan ng mukha para malibre at tungkol lang sa mahihiraman ng pera. May galante sa pagpapahiram ng libro, pagsasabay sa hatid (kahit bike), o pagpapatuloy sa dorm/ bahay. Hello, minsan maulan at wala kang dalang payong, naiihi ka pa. Eh kaso Php 5-10 per ihi o jebs, at bote ng mineral water Php 12-15 per 350 ml. Realidad ‘yan friend!
2. Bumili ng second hand at mag-recycle ng gamit – para sa mas malalim na usapan , read my “Awesome tipid tips for Students: Halaga ng pag-recycle edition”
3. Mag-ipon ng hiwalay para sa layaw/ hobby/ passion. Elementary pa lang ay pala-ipon na talaga ako, ang kaso noong high school hanggang college ay nag-level up ang pagiging anime fanatic at cinephile ko. Gustong-gusto ko ang movie experience sa sinehan (moviegoing) at bumili ng posters, texts, magazines at iba pa.
Eh hindi kaya ng aking konsensya (sa patay kong kuko sa paa ) na ihingi pa sa nanay ko palagi ang pambili ng kung anu-ano. So, ang gagawin ko kung alam ko ang playdate ng movie (gaya ng film series na Harry Potter / film festival) ay magsisimula na akong mag-ipon ng hiwalay para rito. Ang mantra ko ay ‘di bale na ‘wag madagdagan ang ipon ko, huwag lang mabawasan dahil sa layaw.
Pero nakakaipon din kasi ako kasi…
4. Mag-sideline business. Nakabenta na ako ng stay fresh (kung alam mo), pastillas, yema, polboron, ube, notebook, ballpen, organizer, ice cream on stick, chocolate, at roses noong estudyante pa lang ako. Oo ateh at koyah, habang nagba-Valentine’s date ang mga classmates ko ay ako ang nag-aayos ng panregalo nila.
5. Mag-part time job. Iyong mga ate at kuya ko ay naranasan nila ang mag-summer job. Bata pa ako noon e, pero parang part ‘yon ng programa ng gobyerno para may ginagawa ang mga estudyante ‘pag bakasyaon. Kung may negative effect ang pagpa-part time sa ibang kakilala ko (noon at ngayon) ay minsan mas gusto na lang nilang magtrabaho kaysa mag-aral. Iyan ay lalo na kapag okay ang sahod nila.
Ako naman kasi ay mas mulat o may experience sa pagbebenta (business). I think ang edge between sideline business at part time job sa isang estudyante ay mas in control s’ya sa oras kung sideline business. Sa part time job naman ay stable ang income. Nagkakatalo lang sa time at effort, depende kung saan pumapasok. Syempre hindi lang naman nag-aaral sa school, gagawa ka rin ng homework at projects. Paano kung malalayo ang pagitan ng school, work, at bahay n’yo?
6. Mag-walkathon with friends. Alam mo ba kung bakit maraming studyante ang payat? Walkathon kasi hobby nila every day. ahehehe! Minsan-minsan, noon, ay lumakad ako nang mahaba-haba, pero noong college ay ang teorya ko lagi ay kapag minimum fare pa ang halaga papunta sa isang lugar, puwedeng kayang lakarin. Pero ‘wag i-compromise ang kalusugan at kaligtasan. Kalimutan mo na ang magtipid sa pamasahe kung dadaan ka naman sa delikadong lugar.
7. Maghanap ng mura at malinis na kainan. I will never ever recommend na ‘wag kumain para makatipid. Magsa-suffer ang health at grade mo in the end. May ilan akong classmates na hindi pa man graduate ay may hyperacidity na (kaka-soft drinks/ iced tea) at ulcer. So better mag-hunt ka kung saan malinis,mura, at kung maaari ay healthy. Kaya favorite term ko ang “Estudyante Combo Meal” at by the way noong college, kaya ko na hindi kumain ng kanin sa isang araw.
By the way, regarding dun sa first salary namin… Iyong ate ko kumakain s’ya sa mamahaling restaurant (kasi puro s’ya karinderya noong estudyante s’ya at helpful naman kasi nasa food industry s’ya) at ako naman ay bumili ng DVD player sa next sahod sa Raon hehehe. Actually, may koneksyon din naman ito sa trabaho ko.